ni Ric Valmonte
DALA ng military plane ng China, dumating nitong Linggo ng hapon sa bansa ang gawa nitong 600,000 doses na Sinovac Biotech’s CoronaVac. Lumapag sa Villamor Air Base, Pasay City ang eroplano na sinalubong ng mga taong gobyerno sa pangunguna ni Pangulong Duterte. Ang bakuna laban sa COVID-19 ay bahagi lamang ng idinonasyon ng China sa bansa. Sa ginawang pagsalubong ng Pangulo, nais niyang ipakahulugan sa sambayanang Pilipino na dumating na ang sasagip sa kanila.
Ang problema, hindi ganito ang damdamin ng ibang mamamayan. Kung nagtipon-tipon si Pangulong Duterte at ang mga opisyal ng gobyerno para salubungin ang dumating na Sinovac, nag-rally naman ang mga doctor, nurse, health workers at empleyado ng Philippine General Hospital sa harap ng ospital upang ipaalam na ang iba sa kanila ay walang tiwala sa bakunang Sinovac. Magpapaturok lamang sila, anila, kung subok na ang kakayahan ng bakuna. Ayon sa mga doctor ng ospital, ang bakunang Sinovac ay dapat munang makapasa sa appraisal bago ito ipagamit sa kanilang mga health-care worker. “Nasorpresa kami dito sa ospital na ang bakunang ipagagamit sa aming staff ay ang gawa ng Chinese company Sinovac Biotech na hindi inirerekomenda ng Food and Drug Administration (FDA) para sa mga health-care worker na nakalantad sa COVID-19,” wika ng Samahan ng mga Manggagamot sa PGH. Kasi, nauna nang sinabi ng FDA na ang bakuna ay 50.4 porsiyento lamang ang bisa para sa mga health-care worker na nasa frontline laban sa pandemya. Iginigiit ng mga doctor na idaan muna sa masusing pag-aaral ng Health Technology Assessment Council (HTAC) na inaasahan nilang gagawa ng mabuting rekomendasyon.
Maging ang dating consultant ng Inter-agency Task Force Against Infectious Diseases na si Dr. Antonio Leachon ay ayaw pabakuna ng Sinovac at hihintayin na lang niya ang AstraZeneca. Kasi, aniya, mataas ang efficacy rate nito, ang track record ng gumawa nito, ang clinical study ay na-publish sa journal at nirepaso ng HTAC ang clinical study at inendorso ito. Samantala, sinabi naman ni Pangulong Duterte sa mga mamamahayag na siya at ang kanyang mga mataas na opisyal ay saka na magpapabakuna ng gamot na gawa rin ng China. Ipinayo, aniya, ng kanyang doctor na pabakuna siya ng ibang brand pero gawa rin ng China. Hindi naman niya sinabi kung anong brand ang ipababakuna sa kanya. Ibang klaseng lider ang Pangulo. Nais niyang ipagamit sa mamamayan ang Sinovac, pero ayaw naman niya itong gamitin. Ang mga lider ng ibang bansa ay sila ang naunang magpaturok ng ipinagamit nila sa kanilang mamamayan upang sumunod ang mga ito sa kanya. Sa ginagawang ito ng Pangulo, wala rin siyang pananalig sa Sinovac. Paano kung sundan siya?