CHARLOTTE, N.C. (AFP) — Naisalpak ni Terry Rozier ang off-balance jumper sa buzzer para sandigan ang Charlotte Hornets sa masalimuot at makapigil-hiningang 102- 100 panalo kontra Golden State Warriors nitong Sabado (Linggo sa Manila).
Nakumpleto ni Rozier — tumipa ng kabuuang 36 puntos — ang malaking panalo ng Hornets matapos patawan ng dalawang technical fouls at patalsikin sa laro si Golden State forward Draymond Green bunsod nang pakikipagtalo sa desisyon ng referee hingil sa naganap na jump ball may 9.3 segundo ang nalalabi sa laro.
Tangan ng Warriors ang dalawang puntos na bentahe nang desisyunan ng referee na humingi ng time out si Hornets coach James Borrego nang makuha ni Gordon Hayward ang bola sa jump ball. Ngunit, tinuligsa ito ni Green dahil aniya, ‘contested’ nila ni Hayward ang bola nang mapahinga sa sahig matapos ang jump ball.
Naisalpak ni Rozier ang dalawang free throws mula sa technical fouls para maitabla ang iskor sa 100-all. Sa inbound, nakuha niya ang bola ang agad na ibinato ang bola sa harap ng depensa ni Toscano-Anderson kasunod ang buzzer.
Nag-ambag si P.J. Washington ng 15 puntos sa Hornets na nagtala ng season-high 25 turnovers laban sa Warriors na naglaro na wala ang late scrath na si Stephen Curry.
Nanguna sa Warriors si Kelly Oubre Jr. na may 25 pungos.
Kasama pa si Curry sa team warmups, ngunit nagdesisyon si coach Steve Kerr na huwag na itong palaruan nang magpahayag nang pagsama ng katawan. Itinanggi ng Warriors na COVID-19 related ang isyu.
HEAT 96, LAKERS 94
Sa Los Angeles, ginapi ng Miami Heat, sa pangunguna ni Kendrick Nunn na umiskor ng 27 puntos, ang Western Conference title contender Lakers.
Hataw din si Jimmy Butler na may 24 puntos at walong rebounds sa rematch ng NBA Finals. Nag-ambag si Bam Adebayo ng 16 puntos at 10 rebounds sa unang pagtatagpo ng magkaribal mula ang makamit ng Lakers ang ika-17 kampeoinato sa Florida bubble.
Nanguna si LeBron James sa Lakers na may 19 puntos, siyam na assists at siyam na rebounds sa ikalawang sunod na kabiguan ng Lakers na wala ang injured na sina starters Anthony Davis at Dennis Schröder.
Naagaw ni James ang bola mula sa inbound pass ng Miami may 8.4 segundo ang nalalabi, ngunit ipinasa ng 17-time All-Star ang bola kay Alex Caruso, na nagmintis sa 3-pointer sa buzzer.