Handa ang ilang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na magpaturok ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa harap ng publiko upang mapataas ang kumpiyansa ng mamamayan sa bakuna.

Sa isang pulong balitaan nitong Huwebes, sinabi ni CBCP president Archbishop Romulo Valles na tatanggapin niya ang anumang COVID-19 vaccine na iaalok sa kanya dahil na rin sa urgency ng sitwasyong kinakaharap ng bansa sa ngayon dahil sa banta ng virus.

“If I can wait, then I’ll wait for a good vaccine. But if the situation really like it is now, you cannot wait for a better vaccine, I would take any vaccine offered,” ani Valles.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Tinukoy pa ni Valles ang payo ng molecular biologist at moral theologian na si Father Nicanor Austriaco na ang bakuna, kahit pa 50% lamang ang bisa nito ay magiging beneficial o kapaki-pakinabang pa rin sa mga mamamayan dahil mapapababa nito ang panganib na maospital ang isang indibidwal dahil sa virus.

Paliwanag naman ni CBCP vice president at Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, hinikayat ni Austriaco ang mga obispo na magpabakuna sa harap ng publiko upang mapawi ang pangamba at pagdududa ng mga mamamayan sa bakuna.

Ang nasabing hakbang ay nauna nang tinalakay ng mga obispo sa idinaos na plenary assembly kamakailan.

-Mary Ann Santiago