Isang magkapatid na senior citizen ang binawian ng buhay nang makulong sa nasusunog nilang tahanan sa Tondo, Maynila nitong Huwebes ng madaling araw, bisperas ng Pasko.
Kinilala ang dalawa na sina Florencia Ramos Hernandez, 88, at Consorcia Ramos, 82, kapwa taga-1277 Santo Cristo St., Tondo.
Nakilala naman ang mga nasugatan sa sunog na sina Atty. Santiago Hernandez, 83, asawa ni lola Florencia na nagtamo ng second degree sa kanyang magkabilang braso at si SFO4 Enrico Lopez Jr. na nagtamo ng sugat sa kanyang kamay.
Sa paunang ulat ng Manila Fire Department, nagsimulang sumiklab ang gitnang bahagi ng unang palapag ng 2-storey residential house na pagmamay-ari ng pamilya Hernandez, dakong 3:00 ng madaling araw.
Mabilis umanong kumalat ang apoy kaya’t hindi na nagawa pang makalabas ng tahanan ng magkapatid na lola.
Nagtamo naman ng mga paso sa katawan si Atty. Hernandez nang tangkaing iligtas at buhatin ang kanyang misis at kapatid nito, ngunit dahil matanda na rin siya ay hindi na niya kinaya.
Kaagad namang inireport ng mga kaanak sa mga bumbero na na-trapped sa loob ng tahanan ang magkapatid.
Gayunman, dahil malaki na ang apoy ay hindi rin sila nailigtas.
Sa pagtaya ng mga awtoridad, aabot sa P200,000 ang halaga ng mga ari-ariang natupok sa insidente.
Masusi pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente.
-Mary Ann Santiago