WALANG mintis ang ratsada ni Filipino karateka James De Los Santos sa virtual karate tournament nang makamit ang tagumpay sa final leg ng Venice Cup para sa ika-26 gintong medalya sa kasaysayan ng e-kata competitions.
Bukod sa pagkakampeon sa final leg, si De Los Santos din ang idineklarang overall winner ng kompetisyon matapos nyang talunin si Alfredo Bustamante ng Estados Unidos, 25.9-25.1.
Ang kasalukuyang numero unong E-kata player sa buong mundo, ginawaran si Delos Santos ng automatic bye sa quarterfinals.
Ang kanyang panalo kay Bustamante ay ang kanyang ikalawa kontra dito kasunod ng nauna nyang paggapi dito sa Okinawa eTournament World Series #2 noong Nobyembre.
Ang nakugang iskor ni De Los Santos na 25.9 ay ang pinakamataas na kanyang nakamit mula noong Oktubre nang makakuha sya ng iskor na 26.1 sa Katana Intercontinental League #3.
“I almost scored another 26. But that will keep me trying harder,” ani De Los Santos sa kanyang social media accounts. “The journey continues.”
-Marivic Awitan