KAYOD PA!

Ni Edwin Rollon

BALITAnaw

'Chapter closed:' Ang KathNiel sa loob ng 11 taon

IKINALUGOD ng Philippine Canoe-Kayak-Dragonboat Federation (PCKDF) ang mabilis na aksiyon at pagtugon ng Philippine Sports Commission (PSC) para maisaayos ang nasirang training venue ng asosasyon, gayundin ang pagbibigay ng kailangang equipment sa miyembro ng Philippine Team.

Ayon kay PCKDF Board member at tumatayong head coach ng National Team na si Len Escollante, tila nabunutan ng tinik ang asosasyon nang tugunan ng PSC, sa pamamagitan ni Executive Director Atty. Guillermo Iroy, Jr., ang kanilang kahilingan matapos sirain ng magkakasunod na bagyo ang kanilang training venue sa Floodway sa Tanay, Rizal.

“Maraming salamat po sa PSC, kay Chairman (William) Ramirez at kay Atty. Iroy dahil agad silang tumugon sa aming kahilingan. Although wala pang paddle training dahil sa COVID-19, importante po yung venue namin at yung mga atleta namin karamihan sa kani-kanilang probinsiya muna ang training kaya need nila ang equipment,” pahayag ni Escollante sa kanyang pagbisita sa ‘Usapang Sports’ ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) on Air via Zoom nitong Huwebes at livestreaming sa Facebook at YouTube.

Ayon kay Escollante, puspusan ang kailangang paghahanda ng atletang Pinoy, higit at nilagdaan ng Vietnam Organizing Committee ang 19 events – 10 sa babae at 9 sa lalaki – na paglalabanan sa 2021 Southeast Asian Games sa Hanoi.

“Ang dami naming event sa SEA Games kaya hindi puwedeng petiks. Bukod dito, pinaghahandaan namin ang Olympic qualifying. Although hindi pa kasama sa regular sports ang dragonboat, malaking bagay na makasali tayo sa Olympics,” sambit ni Escollante sa programa na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), Pagcor at Games and Amusements Board (GAB).

Sasabak sa 1000-meters canoe doubles sina 2019 SEAG gold at double silver winner Hermie Macaranas at Ojay Fuentes sa Asian Qualifying event sa Marso 11-13 sa Pattaya, Thailand.

Mabigat na makakatapat ng Pilipinas para sa qualifying  ang powerhouse na China, Iran at Kazakhstan, gayundin ang mga koponan mula sa Tajikistan, Kyrgistan, at Uzbekistan dahil tiyak na malalaki at matatangkad ang mga manlalaro nito na paniguradong malalakas sa long distance events.

“Mahirap pa na mag-predict sa ngayon dahil kadarating lang ng invitation and sa nangyaring pandemic all over the world. Maging yung mga makakalaban naman natin naapektuhan rin, kaya hindi natin masabi pa ngayon ang tsansa ng mga athletes natin pero panigurado lalaban ang ,ga iyan,” saad ni Escollante.