ISANG engrandeng pagbabalik ang balak isagawa ng Philippine Cycling Federation sa taong 2021.

Ito ang inihayag ni cycling chief at Philippine Olympic Committee (POC) president-elect  Abraham "Bambol" Tolentino, kasabay nang pahayag sa posibilidad na mag-host ang bansa ng international event.

Bukod sa 10th LBC Ronda Pilipinas na ginanap ng maaga noong nakaraang Marso kung saan nagkampeon si George Oconer, wala ng ibang cycling event na naidaos sa taong ito bunsod ng COVID-19 pandemic.

Ang Le Tour de Filipinas na nakatakda sanang idaos sa Ilocos noong Mayo 1-5 ay nakansela dahil din sa pandemya. Naniniwala si Tolentino na makakabalik na ang cycling sa susunod na taon dahil isa ito sa mga aktibidad na unang pinahintulutan na maipagpatuloy ng pamahalaan.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

"Yan ang unang pinayagan eh. Of all the sports, isa 'yan sa unang pinayagan," wika ni Tolentino na ginamit pang halimbawa ang mga karera sa Europa kabilang na ang pamosong Tour de France ay itinuloy ang pagdaraos ngayong taon.

"So definitely, next year, active na 'yang cycling, kasi wala masyadong issue sa cycling."

"Hindi naman makakahabol 'yung COVID sa tulin ng bisikleta sa kalsada, 'di ba?" may halong biro pang sabi ni Tolentino. Marivic Awitan