Upang maiwasan ang pagdagsa sa mga kaso ng coronavirus pagkatapos ng holiday, umapela si Pangulong Rodrigo Duterte sa publiko na patuloy na obserbahan ang mga hakbang sa kalusugan sa darating Kapaskuhan.Sinabi ng Pangulo na ang bansa ay maaaring magkaroon ng mas kaunting mga kaso ng coronavirus kung ang publiko ay susundin ang mga pamantayan sa kalusugan tulad ng madalas na paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng face mask, at physical distancing.
“So mga kababayan ganito ‘yan, ulitin ko. Importante is that to wear mask, then wash or washing of the hands, tapos sa social distancing --- kung maaari lang huwag ka na lang lumapit ngayon,” sinabi niya sa kanyang televised address.
“We have to interdict whatever there is para mamenos-menos ‘yung tao na ano. We can have a lesser cases of COVID if we just follow and then there’s a prompt medical attention given to those who are affected with COVID,” dagdag niya.
Ang mga salita ni Duterte ay kasunod ng babala ni Health Secretary Francisco Duque III laban sa pagiging kampante sa paglaban sa coronavirus sa kapaskuhan.
Sa pagpupulong kasama ang Pangulo, sinabi ni Duque na ihahanda ng kagawaran ng kalusugan ang isang “contingency plan” kung sakaling humarap ang bansa sa isang “post-holiday season surge” sa bilang ng mga kaso. “Nais ko pong paalalahanan ang lahat na habang ang bilang ng kaso ay patuloy na pababa, hindi ito dapat na maging dahilan upang tayo ay maging mas maluwag or complacent,” aniya.
Sinabi ni Duque na ang mga tao ay dapat na patuloy na maghugas ng kamay nang madalas, magsuot ng maskara, at panatilihin ang isang ligtas na distansya mula sa iba upang maiwasan na mahawahan habang nagdiriwang sa kapaskuhan.
Ang mga kaso ng coronavirus sa bansa ay umabot na sa 420,614 nitong Nobyembre 23 na may 8,173 pagkamatay at 386,604 na gumaling.
-Genalyn Kabiling