Ipinasya ng Department of Transportation (DOTr) na ipagpaliban muna ang nakatakdang shutdown ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ngayong weekend bunsod nang posibleng pag-landfall ng bagyong ‘Rolly’ sa bansa.
Nakatakda sanang magpatupad ng shutdown ang MRT-3 ngayong Oktubre 31 (Sabado) hanggang Nobyembre 2 (Lunes) upang bigyang-daan ang pagsasagawa ng bushing replacement sa depot at turnout activity sa Taft Avenue station.
Gayunman, hindi na muna ito matutuloy dahil sa bagyo.
“Bilang pag-iingat sa posibleng landfall ni Typhoon Rolly, pinayagan ni DOTr Secretary Arthur Tugade ang rekomendasyon ng MRT-3 na pansamantala munang iurong ang scheduled weekend shutdown nito simula ika-31 ng Oktubre hanggang ika-2 ng Nobyembre 2020,” ang bahagi ng anunsiyo ng DOTr-MRT 3.
Layunin anila nito na maprotektahan ang mga manggagawa ng MRT-3 na magiging bahagi ng mga gagawing pagsasaayos ng 34.5 kilovolt alternating current (kV AC) switch gear sa depot at mga turnouts sa Taft Avenue station.
Inihayag ng MRT-3 na magbibigay na lamang sila ng anunsyo kung kailan matutuloy ang weekend shutdown.
Samantala, magpapatuloy naman ang operasyon ng mga tren sa mainline ngayong araw hanggang Lunes.
Kaugnay nito, nabatid na nitong Huwebes ay nagsagawa ng test run ang MRT-3 ng kanilang mga tren bago sana ang nakatakdang pagsasara ng operasyon ng riles para sa maintenance operations kasunod na rin ng planong pagpapabilis ng takbo ng tren sa 50 kilometer per hour (kph) mula sa kasalukuyang 40 kph.
-Mary Ann Santiago