Mga Laro Ngayon
(AUF Gym-Angeles City,Pampanga)
4:00 pm -- Phoenix Super LPG vs. Meralco
6:45 pm -- Blackwater vs. Northport
APAT pang koponan ang sasalang ngayon para sa pagpapatuloy ng aksiyon sa 2020 PBA Philippine Cup restart sa Angeles University Foundation Gym sa Pampanga.
Kahapon habang inililimbag ang pahinang ito, pormal ng nagsimula ang PBA bubble sa pamamagitan ng unang pares ng double header na tinatampukan ng salpukang TNT at Alaska sa unang laro at tapatang NLEX-Ginebra naman sa huling laro.
Susunod na maghaharap para sa dalawang buwang bubble na susubok hindi lamang sa katatagang pisikal kundi maging mental ng mga manlalaro ang Phoenix Super LPG at ang Meralco ganap na 4:00 ng hapon.
Magtutuos naman sa huling laban ganap na 6:45 ng gabi ang Blackwater at Northport.
Matinding hamon ang kakaharapin ng bagong itinalagang Phoenix coach na si Topex Robinson sa magiging tapatan nila ng beterano at multi-titled na Bolts mentor na si Norman Black.
Ito ang unang opisyal na laro ni Robinson bilang head coach sa pro ranks bilang kapalit ng dating coach na si Louie Alas.
Habang sinusulat ang balitang ito, wala pa ring pormal na anunsiyo mula sa PBA kung palalaruin na muli at aalisin na ang ipinataw na suspensiyon kay Fuel Masters ace forward Calvin Abueva.
Sa tampok na laban, unang opisyal na laro din ito bilang bagong headcoach ng Blackwater para kay dating TNT coach Nash Racela.
-Marivic Awitan