WALANG sinasanto ang coronavirus (Covid-19) kahit na nga ang mga alagad ng Simbahan. Nagpositibo sa virus si dating Manila Archbishop at ngayon ay Prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples na si Luis Antonio Cardinal Tagle nang dumating sa Pilipinas noong Biyernes mula sa Roma.
Nanghihingi ng panalangin ang mga opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) para sa mabilis na paggaling ni Cardinal Tagle. Sinabi ni Cotabato Archbishop Emeritus Orlando Quevedo na nagsimula na siyang mag-alay ng mga dasal para sa ikagagaling ni Tagle.
Humihiling din si CBCP acting president at Caloocan Bishop Pablo Virgilio David sa mga obispo at mananampalataya na isama sa kanilang mga dasal si Tagle at ang iba pang mga tao na tinamaan ng COVID-19.
Maging sina CBCP-Pontificio Collegio Filipino chairman at Balanga Bishop Ruperto Santos at Caritas Philippines national chairman Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo ay nakikiusap sa mga mananampalatayang Pilipino na ipagdasal si Cardinal Tagle.
Sinabi ni Bagaforo na ang nangyari kay Tagle ay isang paalala sa mga mamamayan na dapat seryosohin ang COVID-19, at sundin ang health protocols na itinakda ng Department of Health (DoH), gaya ng pagsusuot ng face mask, face shield, malimit na paghuhugas ng mga kamay at pagpapanatili sa tamang agwat (physical distancing).
Nagpositibo si Tagle sa COVID-19 nang siya’y dumating sa bansa noong Biyernes. Siya ay asymptomatic. Mananatili siya sa Pilipinas para sa maikling summer break at madalaw ang matatanda nang mga magulang.
Ayon sa balita, sinabi ni Matteo Bruni ng Vatican Press Office, na si Tagle ay negatibo sa COVID-19 tests nang siya’y suriin sa Roma noong Setyembre 7 kaya pinayagang lumipad patungong Maynila. Gayunman, nag-positibo siya nang lumapag sa paliparan nitong Setyembre 10.
Samakatwid, talagang mabagsik at walang patawad ang coronavirus sapagkat maging ang mga madasalin, makadiyos at relihiyosong pinuno ng Simbahang Katoliko at ng iba pang mga paniniwala ay hindi sinasanto. Hindi ba maging sa ibang bansa ay may mga report ding ang kanilang mga lider ay tinamaan ng COVID-19?
Maraming Pinoy ang naniwala sa pahayag ng UP OCTA Researc Group na papahupa na ang COVID-19 sa Pilipinas, na napa-flatten na ang kurba nito, o napapatag na ang kurba ng karamdamang milyun-milyong tao na ang tinamaan at libu-libo na ring mamamayan ng mundo ang namatay. Napa-flatten nga ba Dr. Guido David?
Sa Pilipinas hanggang nitong Setyembre 12,2020, umabot na sa 257,863 ang mga kaso. May 187,116 ang gumaling at 4,298 na ang nangamatay (hindi nangasawi). Kapag naging complacent ang ating mga kababayan, aba naku,baka lalong magkakahawaan at darami ang tatamaan ng bagsik at lason ni COVID-19.
O sige na nga, maghuhugas pa ako ng mga kamay dahil galing ako sa labas. Pamaya-maya, maliligo ako para malinis ang ano mang virus sa katawan matapos akong mag-jogwalk tuwing umaga. Anyway, malinis naman sa lugar na nilalakaran ko. Laging tandaan, sundin ang health protocols ng DOH para iwas-COVID.
-Bert de Guzman