Dear Manay Gina,
Ako ay madaling magtiwala sa ibang tao dahil tapat akong makisama. Nitong nagdaang buwan ay may nakilala akong lalaki na masasabi kong boyfriend material. Malambing siya, maalalahanin, laging nagte-text at naging malapit kami sa isa’t isa.
Dahil inakala kong siya na ang “the one,” pumayag po ako na makipag-one night stand. Ang malungkot, pagkatapos ng gabing ‘yon ay parang nagbago na siya. Nang minsang sinita ko, ang sabi niya, iniiwasan lamang daw niyang masaktang muli. Kasi daw, malungkot ang nangyari sa kanyang huling pakikipagrelasyon. Nasaktan po ako at hindi ko maintindihan kung ano ang nangyari sa amin.
Mandy
Dear Mandy,
Nalungkot ako nang nabasa ko ang iyong liham, dahil malinaw na napagsamantalahan ang iyong pagiging mapagtiwala.
Sa puntong ito, isipin mo na lamang na isang mapait na aral sa buhay ang naranasan mo. Sikapin mong bumangon sa kalungkutang ito by becoming the best version of yourself. At sa susunod, kahit gaano katamis ang dila ng manliligaw mo, isipin mong mabuti ang iyong kapakanan bago ka gumawa ng mabigat na personal na desisyon.
Ang good news, kung ikaw ay patuloy na magpapakabuti at aalagaan mo ang iyong sarili, darating ang panahon, na makakatagpo ka ng tunay na prinsipe na hindi magiging palaka.
Nagmamahal,
Manay Gina
“Boys will be boys, and so will a lot of middle-aged men.” —Kin Hubbard
Ipadala ang tanong sa [email protected]
-Gina de Venecia