“IPINANGANGAKO ko, sa awa ng Diyos, umaasa ako na sa Disyembre, babalik tayo sa normal. Hindi iyang new normal, new normal. Sinabi ko na sa simula pa, maghintay tayo sa bakuna,” wika ni Pangulong Duterte nitong nakaraang Huwebes sa kanyang pulong sa ilang kasapi ng Inter-Agency Task Force for the Emerging Infectious Diseases. Ito ang kanyang reaksyon sa mga pumuna sa kanya na wala siyang inihayag na road map sa kanyang State of the Nation Address para labanan ang pandemya. Hindi ko alam kung paano at bakit aasa tayo sa pangakong ito ng Pangulo. Kasi, hindi siya mismo ang tutupad nito. Nakadepende ang katuparan ng kanyang pangako sa maiimbentong bakuna ng China at kung tayo ay mabibigyan kaagad nito. Umaasa rin siya sa pangako ng China na tayo ang may prayoridad sa paggamit ng magagawa nitong gamot.

Napakahirap asahan ito, na madidiskubre at magagamit kaagad ang gamot, o kaya, makakabili kaagad tayo nito at maipanggagamot sa ating sarili para maging normal ang pamumuhay natin sa Disyembre. Para rin itong mga pangako mismong ang Pangulo ang gumawa na ipagtatanggol niya ang bansa laban sa pananakop ng kanyang teritoryo sa West Philippine Sea, mawawakasan niya ang problema sa droga sa loob ng 3 o 6 na buwan at magagapi ang corruption at “change will come”. Hindi na natupad, lumubha pa ang problema ng bansa. Tumindi ang kahirapan at kagutuman dulot ng pandemya at maling pagresponde ng gobyerno rito.

Isa pa, hindi nagpapapaasa ang World Health Organization na magkakaroon ng bakuna sa mga darating na buwan. “Minamadali namin ito sa abot ng aming makakaya pero ayaw naming maging mabilis alang alang sa kaligtasan. Pwede naming mapadali ito, pero ang realidad ay sa unang bahagi pa ng darating na taon bago mabakunahan ang mga tao,” wika ni WHO Health Emergencies Program Executive Mike Ryan.

Wala talagang maipakitang plano at direksyon ang administrasyon para maitawid ang mamamayan sa salot, na habang nagdaraan ang mga araw ay dumarami ang nabibiktima. Totoo, bansa-bansa na ang dumaranas nito, pero hindi dahilan na komo mas marami ang nagkakasakit sa mga ibang bansa kaysa sa atin, ang ating gobyerno ay maging kampante na sa ginagawa nitong remedyo. Ang road map na kailangang gagabay sa ating lahat ay nakadepende sa ating sariling kakayahan. Iyong magagamit ang kayamanan ng bansa at ang natatanggap nitong mga donasyon ay dapat nakabalangkas para sustentuhan ang lahat ng mga remedyo sa mga nagsanga-sangang problemang pangkalusugan at pang-ekonomiya dulot ng pandemya. Pinaiiral ang mga remedyo nang sabay-sabay at magkakatuwang na nagtutulungan ang bawa’t isa. Napakahalagang kwalipikasyon, may integridad at subok na sa paglilingkod sa taumbayan. Ang sinumang kumukumpas ng baston ay lubusang iginagalang dahil marunong din gumalang at magmalasakit sa kapwa, na ito ang wala sa liderato ngayon.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

-Ric Valmonte