KABILANG ang sector ng transportasyon, higit yaong mga pumapasada sa tricycle ang hinagupit ng ipinatupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ) para maabatan ang hawaan dulot ng pandemic na COVID-19.
Hindi naman nagpabaya sa ayuda ang pamahalaan, ngunit sadyang mahirap tustusan ang pang-araw araw na gastusin sa sector na umaasa sa arawang kita sa biyahe.
Sa pakikipagtulungan ng foodpanda – mapagkakatiwalaang food delivery app sa bansa – at ang local na pamahalaan ng Manila, nilagdaan nitong Huwebes sa maiksing seremonya sa City Hall ang isang kasunduan para isulong ang programa na makapagbibigay ng pang hanap-buhay sa 500 apektadong tricycle driver sa lungsod.
“Lubos po kaming nagpapasalamat sa mga kumpanya tulad ng foodpanda na patuloy na naghahatid ng serbisyo at tulong sa panahon ng krisis. Tinutulungan nila na magkaroon ng pag-asa ang mga Manileño sa pamamagitan ng pagbibigay ng trabaho at maayos na pagkakakitaan.Ang proyektong ito ay hindi lamang upang suportahan ang ating mga komunidad, hangarin din nito na panatilihing buhay ang diwa ng bayanihan,” pahayag ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso.
Tinawag na pandaTODA, layunin ng programa na turuan at sanayin ang 500 tricycle drivers para maging foodpanda partner riders sa loob ng dalawang buwan habang nasa ilalim pa ng ECQ ang buong Kamaynilaan.
Sakaling magbalik na sa normal ang sitwasyon, bukas ang foodpanda sa mga nagnanais na makapagpatuloy sa kanilang pakikiisa sa kompanya.
“All of the tricycle drivers who will be recruited will officially begin training this week at the Manila City Hall and will be provided with pink uniforms and thermo bags. We’re all excited to welcome the new riders in the foodpanda family. We hope that with this initiative, we are able to help ease their burden of providing for their families during this difficult time,” sambit ni Daniel Marogy, foodpanda Philippines’ Managing Director.
Iginiit ni Moreno na malaki ang ginagampanang responsibilidad ng foofpanda partner riders bunsod ng pangangailangan ng komunidad sa mga essential na pangangailagan tulad ng pagkain at medisina habang sumusunod ang lahat sa ECQ.
“Dahil sa serbisyong hatid ng foodpanda, ang mga Manileño ay mas nahihikayat na manatili sa kanilang mga tahanan. Hindi na nila kailangang lumabas dahil maaari na silang magpa-deliver ng kanilang pagkain. Ngayon, ang serbisyong ito ay maghahatid na rin ng makakain sa hapag ng ating mga trike drivers sa Maynila. Maraming salamat po, foodpanda. Ito ang simula ng mabuting pakikipagugnayan para sa ang ating Lungsod at sa mga Manileño,” ayon kay Moreno.
“We are honored to take part in the initiatives of the Manila City government to provide a secure, safe, and sustainable livelihood for its constituents, especially the highly vulnerable ones. What we provide are freelance jobs, which will allow them with both opportunity and flexibility on the job,” dugtong ni Marogy.
Iginiit ni Marogy na ipinapatupad ng foodpanda ang mga alituntunin na ikinasa ng pamahalaan sa panahon ng ECQ, higit sa pangangailangan sa safety protocol at contactless delivery system.
Kabilang sa local businesses sa komunidad na nakikipagtambalan sa foodpanda ang Jollibee, Subway, Denny’s, Teriyaki Boy, Army Navy, gayundin ang Clouds Coffee, Steakgasm, SwetTea, Incredible India Food at Product Depot.