Dear Manay Gina,

Ang suliranin ko po ay tungkol sa aking mister at sa aking kapatid. May nakaraan kasing insidente kung saan nagkatampuhan sila. Pakiwari ng aking mister ay hindi naging maganda ang trato sa kanya ng aking younger sis. Mabait ang aking kapatid pero may mga pagkakataong talagang taklesa siya. In fairness, humingi naman siya ng paumanhin sa aking mister pero hanggang ngayon, ayaw dumalo ng aking mister sa mga pagtitipon ng pamilya kapag naroon ang aking kapatid. Ano kaya ang maaari kong gawin para magkabati sila?

Miriam

Dear Miriam,

Mahirap magmasid sa isang sigalot kapag ang sangkot ay pareho mong mahal. Malaking bagay kung masasabi ng iyong mister kung ano ang talagang hinihintay niya mula sa iyong kapatid para mapatawad niya ito. Wasto kaya ang paghingi ng paumanhin? Ganap bang nagbago ang pakikitungo ng iyong kapatid sa iyong asawa?

Naniniwala kaya si mister na talagang sincere ang iyong kapatid sa kanyang apology? Baka naman natatakot lamang siya na ulitin nito ang masamang gawi. Nasabi mo na rin ba sa kanya na ang kanyang ginagawa ay nagdudulot sa iyo ng alalahanin? Alam din kaya ng iyong mister, na sa gawi niyang ito, ay para na rin niyang hinayaan ang iyong younger sister na magmando sa kanyang kilos?

Huwag mong ipagtanggol ang kahit sino sa kanila upang hindi ka maipit sa gitna. Sa halip, pakinggan mong maige ang kanilang saloobin, at patuloy mo silang hikayatin tungo sa pagpapatawad at pagtalikod sa nakaraan. Idalangin mo rin na ang bawat pasya ng iyong mister ay patungo sa ikahuhusay at ikasasaya ng inyong pamilya. The good news is, time can be a great healer.

Nagmamahal, Manay Gina

This is certain, that a man that studieth revenge keeps his wounds green, which otherwise would heal and do well.”--- Francis Bacon

Ipadala ang tanong sa [email protected]

-Gina de Venecia