Dear Manay Gina,

Hindi naman po ako malisyosa pero napapansin kong iba ang tingin sa akin ng isa naming kumpare. Very friendly kaming mag-asawa, at may mga pagkakataong lumalabas kami, kasama ang ilang kaibigan na pawang may asawa na rin.

Napapansin ko na yung mister ng isa kong kaibigan ay nag-uukol ng espesyal na atensiyon sa akin. Dahil dito, ako ay hindi komportable kapag kasama silang mag-asawa. Hindi ko naman masabi sa aking mister ang aking pagdududa dahil baka mali ang aking akala at makagawa lamang ako ng gulo.

Rose

Dear Rose,

Ipagtapat mo sa iyong mister ang iyong nadarama, at tanungin mo siya sa kanyang opinyon. Idetalye mo ang kakaibang gawi ng inyong kaibigan na nagiging sanhi para magduda ka sa kanyang motibo.

Kapag napagkasunduan n’yong may sapat na basehan ang iyong pagdududa, mayroon kayong dalawang hakbang na puwedeng gawin. Una, maaaring magpakita kayo ng extra sweetness sa harap ng inyong kaibigan, upang maiparating sa kanya na napakatatag ng inyong relasyon.

Subalit kapag patuloy pa rin ang kakaibang gawi ng inyong kaibigan, puwede n’yo siyang kausapin nang malumanay. Ihayag nyo ang inyong kasiyahan dahil siya ay inyong kaibigan at sabihin n’yo rin ang bagay na nakakabagabag sa inyong damdamin. Ang hakbang na ito ay maaaring magdulot ng short-term conflict sa kanya, subalit puwede rin itong makapagpatatag ng inyong pagkakaibigan.

Nagmamahal,

Manay Gina

“Keep a fair-sized cemetery in your back yard, in which to bury the faults of your friends.”--- Henry Ward Beecher

-Gina de Venecia