Mga Laro Ngayon
(Ynares Sports Arena)
1 p.m. – AMA vs APEX Fuel-SSC-R
3 p.m. – Builders Warehouse-UST vs TIP
5 p.m. – Family Mart-Enderun vs SeaOil-FEU
MAKIHANAY sa opening day winners Eco Oil-La Salle at Marinerong Pilipino ang tatangkain ng anim pang mga koponan na sasabak ngayong hapon sa pagpapatuloy ng 2020 PBA D League Aspirants Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig.
Mag-uunahang makapagtala ng buwena manong panalo ang AMA at ang APEX Fuel-San Sebastian College sa pambungad na laro ng nakatakdang triple header ganap na 1:00 ng hapon.
Agad naman itong susundan ng salpukan ng Builders Warehouse-University of Santo Tomas at ng Technological Institute of the Philippines(TIP)sa ikatlo ng hapon bago ang bakbakang Family Mart-Enderun College at ng Sea Oil -Far Eastern University ganap na 5:00 ng hapon.
Sisikapin ng Tigers at ng Tamaraws na makapagposte din ng impresibong panimula na gaya ng inirehistro ng kapwa nila UAAP squad na Green Archers sa una nilang laban.
Sa kabilang dako, patutunayan naman ng kanilang mga katunggali na kaya nilang makipagsabayan sa mga koponang galing sa mga itinuturing na “elite collegiate leagues” partikular ang UAAP at NCAA.
-Marivic Awitan