Bumawi sa kanilang third set meltdown ang Emilio Aguinaldo College upang mapayukod ang San Beda University, 25-22, 25-20, 18-25, 25-19, kahapon sa pagpapatuloy ng NCAA Season 95 Volleyball Tournament sa Filoil Flying V Center sa San Juan.

Dahil sa panalo, ang ika-6 na sunod ng Generals, sumalo sila sa reigning titlist University of Perpetual Help sa pangingibabaw sa men’s division na gaya nila ay wala pa ring talo matapos ang anim na laro.

Umiskor ng 24 puntos si Joshua Mina na tinampukan ng 21 attacks bukod pa sa 8 digs at 18 receptions upang pamunuan ang nasabing panalo ng EAC.

Nanguna naman sa nabigong San Beda si Jeffrey Losa na umiskor ng 16 puntos.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Sa kabila ng kabiguan, nanatili ang Red Spikers sa ikatlong posisyon taglay ang patas na markang 3-3 kasunod ng magkasalo sa second spot na College of St. Benilde at Arellano University na may parehas na kartadang 4-2.

Patas lamang ang dalawang koponan sa depensa nila sa net matapos kapwa magtala ng tig-6 na kill blocks at di rin nagkakalayo sa floor defense sa itinala nilang 48-45 digs, lamang ang EAC.

Mas marami pang errors ang Generals kontra Red Spikers, 26-19, ngunit bumawi ang una sa hits, 63-51 at sa receptions, 42-33.

Sa women’s division, nagawa namang gumanti ng Lady Red Spikers nang walisin nila ang Lady Generals, 25-15, 25-16, 27-25.

Dahil sa panalo, sinolo ng San Beda ang ikatlong puwesto sa pag-angat nila sa 4-2 na baraha habang nanatili namang walang panalo ang EAC matapos ang anim na laro.

-Marivic Awitan