Dear Manay Gina,
Isang buwan na ang nakaraan mula nang biglang nakipag-hiwalay sa akin ang aking nobyo. Hindi naman kami nag-away. Ang alam ko lang, talagang nahihirapan siya sa trabaho at may problema sa pananalapi. Wala naman daw akong pagkakamali. Kailangan lamang daw niya ng panahon para sa sarili.
Lahat ng kaibigan ko ay hindi makapaniwala sa kanyang ginawa, at nagsasabing babalik siyang muli sa akin. Ang tanong ko po ay kung talagang ganoon ba ang mga lalaki, na basta na lamang lalayo sa babae kapag delikado ang katayuan nila. Paraan ba nila ito para unahan ang babae sa pakikipag-break?
Susan
Dear Susan,
Ang bawat tao ay nangangailangan ng panahon para sa kanyang sarili, lalo na kapag nakakaranas ng kalungkutan. May iba, na mas kailangan ng karamay kapag nasa panahon ng kagipitan habang ang iba naman ay nais tahakin ang pagdurusa nang mag-isa.
May posibilidad, na dahil sa pagod at problema sa pananalapi, naisip niyang mas mainam na huwag kang idamay sa kanyang paghihirap. Posible rin na nawalan siya ng gana sa relasyon, sa dahilang hindi rin niya maunawaan.
Dahil dito, wala kang puwedeng gawin kundi sakyan ang kanyang diskarte. Mahirap ipilit ang isang bagay na inaayawan. Gayunman, patuloy pa rin ang takbo ng buhay para sa iyo. Ang mas maganda rito, nagkaroon ka ng second lease on love life. Ngayon, nasa iyo ang pagpapasya kung siya pa rin ba o ibang tao na, ang kasama mo sa next phase ng iyong buhay-pag-ibig. Good luck.
Nagmamahal,
Manay Gina
“Many of us crucify ourselves between two thieves - regret for the past and fear of the future.”----- Fulton Oursler
Ipadala ang tanong sa [email protected]
-Gina de Venecia