Sa pamumuno ni Vince Abrot nakaiwas ang College of St. Benilde sa kabiguan sa isang dikdikang laban kontra San Beda University na natapos sa loob ng limang sets, 23-25, 25-17, 27-25, 19-25, 15-9, kahapon sa NCAA Season 95 Volleyball Tournament sa FilOil Flying V Center sa San Juan.
Tumapos ding top scorer si Abrot para sa Blazers sa itinala nitong 28 puntos na binubuo ng 22 attacks, 4 na blocks at 2 aces bukod pa sa 23 excellent receptions.
Napag-iiwanan sa krusyal na stretch ng decider frame, nagsalansan ng limang sunod na puntos si Abrot upang isalba ang St. Benilde katulong sina Ryan Daculan at Franz Almonte.
“Kailangan talaga nila mag-deliver kasi ‘yun na last chance namin ‘yun,” wika ni St. Benilde coach Arnold Laniog.“Kung hindi pa sila mag step-up doon, saan kami pupulutin niyan.”
Dahil sa panalo, tumaas ang St. Benilde sa ikatlong puwesto taglay ang markang 4-2, kasalo ng Arellano habang pinabagsak nila ang San Beda sa solong panglima hawak ang barahang 3-2.
Nanguna sa losing cause ng Red Spikers si Jeffrey Losa na may 18-puntos, 19-receptions at 14-digs.
Sa women’s division, bumawi mula sa malamya nilang panimula ang CSB Lady Blazers upang magapi ang SBU Lady Red Spikers ,17-25, 25-18, 25-22, 25-22.
Nagtala si Gayle Pascual ng 22 puntos mula sa 16 na attacks at 4 na blocks upang pamunuan ang Lady Blazers sa kanilang ika-6 na sunod na panalo na nagpatatag sa kanilang solong pamumuno.
Nanguna naman sa Lady Red Spikers na bumaba sa markang 3-2, sina Cesca Racracquin at Nieza Viray na may tig-13 puntos.
-Marivic Awitan