SISIMULAN ng Arellano University at University of Perpetual Help ang kani-kanilang kampanya upang mapanatili ang hawak nilang titulo sa pagbubukas ngayon ng NCAA Season 95 Volleyball Tournament sa FilOil Flying V Center sa San Juan.
Nakatakdang makasagupa ng reigning 3-time defending women’s champion Arellano sa una nilang pagsalang ang Lyceum of the Philippines University para sa pambungad na laro ganap na 12:00 ng tanghali pagkatapos ng simpleng opening ceremony na mag-uumpisa ng 11:00 ng umaga.
Napaaga naman ang rematch ng defending back-to-back men’s champion Altas at ng nakaraang taong losing finalist College of St. Benilde sa ikatlong laro ganap na 4:00 ng hapon.
Mauuna rito, maghaharap sa ikalawang laban ganap na 2:00 ng hapon ang Perpetual Lady Altas at ang St. Benilde Lady Blazers.
Inaasahang mamumuno para sa Lady Chiegs sina 2-time MVP Necole Ebuen at Season 94 Finals MVP Regine Arocha.
Masusubok naman agad ang tikas ng Altas na lalarong wala ang league MVP na si Joebert Almodiel pagkaraan itong sibakin dahil sa disciplinary action.
Samantala sa huling laro, uumpisahan din ng 5-time high school champion Junior Altas ang kanilang title retention bid sa pagsagupa nila sa CSB-La Salle Greenhills ganap na 5:00 ng hapon.
-Marivic Awitan
Mga Laro Ngayon
(Filoil Flying V Center)
11:00 n.u. -- Opening Ceremony
12 noon – LPU vs. Arellano (Women)
2:00 n.h. -- Perpetual vs. St. Benilde (Women)
4:oo n.h. -- Perpetual vs. St.Benilde (Men)
6 p.m. - Perpetual vs. CSB-LSGH (Juniors)