NITONG nagdaang linggo, inilunsad ng Philippine Army 1901st Ready Reserve Infantry Brigade at kasalukuyang Cebu City Vice Mayor Mike Rama, kabalikat ng ilang pribadong kumpanya, tulad ng Qualfon, ang “Tabang Cotabato.”Layunin nito ang mangalap ng mga donasyon mula sa mga Cebuano, bilang alay sa mga naging biktima ng lindol sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao. Bagama’t nakapagbigay na ng tulong pinansyal ang mismong lokal na pamahalaan ng lungsod ng Cebu sa halagang P10 milyon, nais pa rin ng mga kawal natin sa Philippine Army at ni Vice Mayor Rama na bigyan ng pagkakataon ang mga tao na sila na mismo ang makapagdulot ng ayuda sa ating mga kapatid sa katimugang bahagi ng ating bansa.
Ang “Tabang Cotabato” ang naging tulay upang ang lahat ng makalap na pondo – bottled water, sapatos, tsinelas, de-lata, cup noodles, lumang damit, kumot, at kung ano pa – ay ipasa kay Major-General Roberto Angcan (bagong pinuno ng Central Command ng Visayas sa Camp Lapu-Lapu Lahug) at ang naglikom ang siyang magpapaabot nito sa Pamahalaan ng Cotabato. Ayon sa 1901st Brigade, na nakabase sa apat na lalawigan – Cebu, Bohol, Siquijor, at Negros Oriental, nabansagang “Tulong Cotabato” ang kawang-gawa, dahil iniiwasan palabasin lalo mga turista, na ang kabuuang Mindanao ang tinamaan ng lindol at mga after-shocks pang nagaganap. Ano na lang ang sasabihin ng mga taga-Surigao at Siargao na dinadayo ng mga dayuhan. Ang Cagayan de Oro? At iba pang mga lalawigan na ligtas naman bisitahin.
Ang Cotabato ang isa sa pinakamatinding tinamaan ng kalamidad, at nananatiling kapos sa mga pangunahing pangangailangan. Hindi katulad ng ibang lalawigan na may kakayahan tumayo sa sarili. Isang concert ang ginanap sa pusod ng Cebu City, ang Plaza Independiensa. Kung saan umabot sa labing-apat na banda (Missing Filemon, Powerspoonz, Intertwined, Cuarenta, PG18, Johnnie and the Walkers, Ukemia, Brownskin, Riddim, Miracle Facts, Keraro, Jerico, Benny Rock, Kobe) ang libreng nagtanghal mula alas-sais ng gabi hanggang alas-dos ng umaga para sa mga manonood na nais magbigay ng kahit anong donasyon.
-Erik Espina