KAMAKAILAN ay nag-post si Sylvia Sanchez ng litratong kasama nilang pamilyang nag-dinner si Maine Mendoza sa isang kilalang fine dining restaurant sa Podium nitong Linggo, Nobyembre 17 pagkatapos ng opening/blessing ng ikalawang Beautederm store niya sa 68 Roces Avenue, cor Scout Reyes, Quezon City.

Maraming bashers ang pumuna na kesyo edited ang litrato at hindi totoo. Dinedma ng aktres ang mga puna, sinagot lang niya kung saan restaurant sila kumain.

At para sa karagdagang kaalaman na rin ng mga hindi pa rin naniniwalang mag-boyfriend/girlfriend na sina Arjo Atayde at Maine ay ipinakita sa amin ni Ibyang ang video na kinunan niya ang buong Atayde family habang kumakain at naroon nga ang dalaga.

Tinanong namin ang mama ni Arjo kung bakit hindi niya pinost ang video, “hayaan mo na, okay na ‘yung litrato. Bakit ko sila (bashers) papansinin, basta kami masayang pamilya, masaya mga anak ko, okay sa akin ‘yun.”

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Natanong din namin kung bakit naging open na ngayon ang nanay ng aktor na mag-post ng litratong kasama nila si Maine na rati naman ay hindi.

“E, ano pa ba ang kailangang itago? Saka nag-post na rin naman si Maine na magka-holding hands sila ni Arjo nu’ng birthday niya, e, di ‘yun na ‘yun,” katwiran ni Ibyang.

Maraming naging karelasyon ang aktor, pero ngayon lang nakita ng magulang niya na seryoso at nag-iipon na.

Isa rin kami sa nakakaalam na noong walang kasintahan si Arjo ay gumigimik siya kasama ang mga kaibigan kapag wala siyang tapings/shootings. Pero ngayon ay parating nasa bahay na lang o kung lalabas man ay si Maine ang kasama.

Nakasisiguro rin si Sylvia na magiging good husband si Arjo pag pinasok na nito ang pag-aasawa dahil nakikita ng aktor ang daddy niyang si Art Atayde kung paano nito alagaan ang pamilya nila.

“Nakikita niya (Arjo) kung gaano ako ka-spoiled sa daddy niya. Nakikita niya na kapag sinabi ko, nabibigay ng daddy niya, so I’m sure ‘yun din ang gusto niyang (gawin). Sinabi naman niya (Arjo), ‘gusto kong katulad ni daddy.” Kuwento ng aktres.

Nasa tamang edad na rin ang aktor para bumuo ng sariling pamilya pero para sa nanay niya, “but still gusto ko siyang, ‘’nak, sige pa, ipon pa.’ May pera naman ‘yun, pero ipon muna saka sayang kasi ang dami niyang offers. Saka mag-asawa na siya pag sawa na siya sa buhay binata, financially, emotionally, physically stable na siya.”

Tinanong namin kung ang pagkakaroon ng sariling condo unit ni Arjo ay hudyat na.

“Hindi!, “mabilis na tugon ng ina ng aktor. Sabay sabi, “Magsosolo siya pero hindi ‘yun hudyat para mag-asawa siya,”

Spoiler bang lola si Sylvia Sanchez sa kanyang apo.

“Malamang, humanda sila! (sabay tawa). Pag hindi nila pinahiram sa akin ‘yung apo (ko), patay sila. Mag-shooting sila ng mag-shooting ng ilang araw problema nila ‘yun basta nasa akin ang anak nila. Spoiler ako, ‘yan ang problema ko sa tingin ko ha. Oo, tingin ko, pati si Art, e, ini-spoil din kami ng mga anak namin,” pag-amin ng aktres.

Inaasahan naman ni Ibyang na si Arjo ang unang magbibigay sa kanya ng unang apo dahil ang mga anak niyang sina Pia at Ria ay walang planong mag-asawa pa lalo’t wala namang boyfriend pa. Bagets pa naman sina Gela at Xavi.

As of now ay hindi pa panahon para magka-apo siya sa aktor, “huwag muna kasi mayroon pa akong 9 years old, gusto ko pang i-enjoy si Xavi. Siguro pagdating ni Xavi ng 12 years old wala na akong baby, sige bigyan n’yo na ako ng baby para ma-focus ang atensyon ko sa bata. Pero sa ngayon kay Xavi muna ang focus ko.”

Sa tingin ba ni Ibyang kay Maine manggagaling ang unang apo.

“Tanungin natin sina Maine at Arjo, huwag ako ang tanungin ninyo, wala akong alam. Hindi ko alam, problema nila ‘yun,”mabilis na sagot ng aktres.

Samantala, nagpapasalamat si Sylvia sa lahat ng sumusuporta ng teleseryeng Pamilya Ko dahil patuloy itong nangunguna sa ratings game na simula nu’ng umere ay hindi pa ito naungusan ng katapat na programa.

Talk of the town ang sampalan blues nila ni Irma Adlawan na ayon sa aktres ay nanginginig siya bago nila gawin ang eksena dahil apektado siya.

“Ganu’n talaga kapag may sampalan, madadala ka kaya ganu’n ang mararamdaman mo,” saad ni Ibyang.

-Reggee Bonoan