GANAP na makumpleto ang double round elimination sweep at mabaon ang momentum tungo sa Final Four ang tatangkain ng defending 3-time champion San Beda University sa muli nilang pagtutuos ng Lyceum of the Philippines University ngayong hapon sa huling araw ng eliminasyon ng NCAA Season 95 Men’s Basketball Tournament.
Mag-uumpisa ang ikalawang pagtatagpo ng nakaraang dalawang taon ngayong season ganap na 4:00 ng hapon pagkatapos ng unang laban sa pagitan ng Letran at ng Emilio Aguinaldo College ganap na 2:00 ng hapon.
Hangad ng Red Lions na duplikahin ang 88-73 panalo nila kontra Pirates noong first round upang ganap na makumpleto ang 18-game sweep ng elimination round.
Muling sasandigan ng SBU upang pamunuan ang koponan sina leading MVP candidates Calvin Oftana, James Canlas, Donald Tankoua at Evan Nelle kasama sina Clint Doliguez at AC Soberano.
Umaasa si coach Boyet Fernandez na muling ipapakita ng Red Lions ang laro kung bakit
sila nagwagi sa nakaraan nilang 16 na laro.
Sa kabilang dako, sisikapin naman ng Pirates na makabawi sa kabiguan nila sa Red Lions noong first round upang maipatas head-to-head nila ngayong season.
Samantala sa unang laban, siselyuhan naman ng Letran Knights ang ikatlong puwesto sa pagsagupa nila sa ousted ng EAC Generals.
-Marivic Awitan
Standings W L
*San Beda 17 0
*LPU 13 4
*Letran 11 6
SSC-R 10 7
Mapua 9 8
CSB 8 9
Perpetual 5 12
JRU 4 13
Arellano 4 13
EAC 4 13
Mga Laro Ngayon
(Filoil Flying V Center)
2:00 n.h. -- Letran vs EAC (M)
4:00 n.h. -- San Beda vs LPU (M)