PATULOY sa pagpapataas ng lebel ng kanyang laro si San Beda forward Calvin Oftana, habang tinutulungan ang Red Lions sa kanilang misyon na manatili sa kanilang paghahari sa ginaganap na NCAA Season 95 Men’s Basketball Tournament.
Kontra College of St. Benilde nitong Linggo, muling nagpamalas si Oftana ng kahanga-hangang performance upang mapanatili ang 3-time defending champion na walang talo sa loob ng 17 laban.
Nagposte ang beteranong forward ng kanyang personal-best na 29 puntos bukod sa siyam na rebounds, limang assists, at dalawang steals sa 95-73 na panalo ng Red Lions kontra Blazers.
Dahil dito, nakamit ni Oftana ang kanyang ikalawang Chooks-to-Go Collegiate Press Corps NCAA Player of the Week award.
“Simple lang naman sinabi ko sa players noong halftime – mahiya naman sila sa sarili nila,” ani San Beda head coach Boyet Fernandez.
“They’ve been playing well for the first sixteen games, then why be different in the seventeenth?”
Itinala ni Oftana ang 13 sa kanyang kabuuang output sa period upang tuluyang pakalasin ang Red Lions, 72-58 patungo sa final period.
Tinalo ni Oftana para sa weekly citation ang kanyang teammate na si James Canlas,gayundin sina Mapua guard Noah Lugo, San Sebastian wingman Allyn Bulanadi, at CSB standout Justin Gutang.
Marivic Awitan