DEAR Manay Gina,

Okey lang po ba para sa isang babaeng may-asawa ang magkaroon ng best friend na lalaki?

Bago ako ikinasal ay very close na ako sa kaibigan kong ito. Sa ngayon ay may-asawa na rin siya, habang ako naman ay maligaya sa piling ng aking mister. Gayunman, nagkikita pa rin kami ng kaibigan kong lalaki paminsan-minsan, para magkumustahan.

Ang aking asawa ay may kaibigan ding babae na ka-opisina pa niya. May pagkakataon na nagkikita kami, kasama ang kanyang mister. Para sa aming mag-asawa ay okey lamang ang ganitong relasyon namin sa mga dating kaibigan, subalit nagsalita laban dito ang aking ina. Dapat daw kaming umiwas sa tukso. Ano po ba ang tamang pakikitungo sa mga dating kaibigan?

Nennete

Dear Nennete,

Ang sinabi ng iyong ina ay dapat mong pag-isipan. Ang mabuting Kristiyano ay tinutukso kung saan siya pinakamahina. Pangalawa, ang magkaibigan ay natural na may pagkagusto at may nadaramang spark para sa isa’t isa kaya nga sila naging magkaibigan. Ingatan n’yo lamang na ang spark na ito ay huwag maging apoy.

Dapat ay mayroon kayong ground rules kung paano pakikitunguhan ang mga dating kaibigan na kabilang sa opposite sex. Sa anumang pakikipagkita, lagi n’yong isaalang-alang ang damdamin ng inyong asawa dahil ngayon ay iisa na kayong katawan. Puwede n’yo ring iwasan ang pakikipagkita nang mag-isa. At ang pinakamaganda, palawakin n’yo ang dating close friendship at isama ang buong pamilya ng bawat isa.

Nagmamahal,

Manay Gina

“A friend is one who knows us, but loves us anyway.”

------ Fr. Jerome Cummings

-Gina de Venecia