MASUSUBUKAN ang tikas ni Ifugao prospect Carl Jammes Martin ngayong makakaharap niya ang isang veteran journeyman.
Makakaharap ng 20-anyos na si Martin (13-0, 12 knockouts) ang kababayan na si Benezer Alolod sa isang 10-round clash Biyernes ng gabi sa Mandaluyong City.
Tubong Hingyon, Ifugao, pawang mga foreign fighters ang kinalaban at pinataob ni Martin sa kaniyang huling pitong laban at karamihan ay hindi lumampas ng three rounds.
“Marami naman po kasi na mga matitibay na Pinoy boxers at gustong gusto ko po na makalaban ng matibay para masubukan din po ako,” ani Martin.
Beterano na ng 36 fights ang 28-anyos na si Alolod at may overall record na 19-12-5, tampok ang pitong knockouts.
Umabot man ng 12 ang talo ni Alolod, tatlong beses lamang nakatikim ng knockout loss ang Polomolok-native boxer.
“Ibig sabihin po nun, talagang may tibay siya kaya sa training namin, tinutukan po talaga namin ang pagpapakondisyon,” pahayag ni Martin.
Maglalaban sina Martin at Alolod para sa bakanteng Philippine Boxing Federation (PBF) bantamweight crown.
Sa naganap na weigh nitong Huwebes sa Games and Amusement Board office sa Makati, tumimbang si Martin ng 119lbs, habang 118lbs. naman si Alolod.
Kasama rin sa fight card ang Philippine superbantamweight championship sa pagitan nina defending champion Mark Anthony Geraldo at challenger Lorence Rosas ng Palawan sa isang 12-round title fight.
Tinaguriang “Fists of the Future”, ang Friday night event na handog ng Shockpunch Promotions at Ifugao Promotions ay gaganapin sa Mandaluyong Elementary School Gym.