Dear Manay Gina,

Ano po ba ang tamang gawin para maipadama sa isang kaibigan ang pagmamahal, kung ito ay may taning na ang buhay?

Mayroon siyang sakit, na wala nang lunas, at nahihirapan ako sa pagpapakita ng malasakit sa kanya dahil natatakot akong baka siya ma-offend.

Sincerely,

Reuben

Dear Reuben,

Pakiramdaman mong mabuti ang disposisyon ng iyong kaibigan, dahil madarama mo sa kanyang mga kilos kung paano niya nais na siya’y pakibagayan sa ganitong pagkakataon.

Kapag dinalaw mo siya, pakinggan mo kung paano niya tinatanggap ang kanyang sitwasyon. Iba-iba kasi ang reaksiyon ng tao kapag may maselang karamdaman. May ibang, gumagaan ang pakiramdam kapag bukas ang pakikipagtalastasan tungkol sa kanilang sakit. Ang iba nama’y umiiwas na pag-usapan ang kanilang nadarama.

Ang pinakamainam, sundin mo na lamang ang nais ng iyong kaibigan. At malalaman mo ito sa pamamagitan ng masusing pakikiramdam kapag kasama mo siya. Huwag kang mangamba na baka masamain niya ang iyong pagdamay. Nadarama ng isang tao, may sakit man o wala, kung tayo ay tunay na nagmamalasakit.

Nagmamahal,

Manay Gina

“Too often we underestimate the power of a touch, a smile, a kind word, a listening ear, an honest compliment, or the smallest act of caring, all of which have the potential to turn a life around.”

Leo Buscaglia

Ipadala ang tanong sa [email protected]

-Gina de Venecia