April 16, 2026

Home BALITA Probinsya

Nursing student na nasa OJT, patay dahil umano sa 'ecstasy intake'

Nursing student na nasa OJT, patay dahil umano sa 'ecstasy intake'
contributed photo

Patay ang isang 21-anyos na nursing student mula sa isang medical school sa General Santos City matapos umanong makainom ng ilegal na droga na ecstasy, ayon sa mga awtoridad.

Ayon sa pamilya ng biktima, pinaghihinalaan nilang ang kaibigan at boyfriend ng estudyante ang umano’y nagbigay ng naturang substansiya sa isang pagkikita bago naganap ang insidente.

Ikinuwento ng ina ng biktima na nagsasagawa ng on-the-job training sa Davao ang kaniyang anak mula Pebrero 7 hanggang Pebrero 21, 2026.

Gayunman, hindi na natapos ng estudyante ang naturang pagsasanay matapos siyang makaranas ng seizure, hallucination, at kakaibang pag-uugali na ikinabahala ng mga taong nasa paligid niya.

Noong Pebrero 15, iniuwi umano ng boyfriend na kinilalang si alyas “Adrian,” ang biktima sa kanilang bahay kasama ang kaniyang ina.

Probinsya

Pagtatayo ng 'foreign military facilities,’ 'di welcome sa Davao City

Pagdating sa kanilang tahanan, paulit-ulit umanong sinasabi ng biktima na siya ay natatakot at nabanggit din ang salitang “ecstasy” habang kausap ang kaniyang mga kapamilya.

Ayon sa pamilya ng biktima, nakaranas umano ang estudyante ng mga seryosong sintomas tulad ng kombulsyon, guni-guni, at kakaibang pag-uugali bago siya tuluyang pumanaw. 

Saad pa ng ina ng biktima, tumawag din umano ang kaniyang anak mula sa Davao at nakiusap na sunduin na siya.

Makailang ulit din umanong tumawag ang biktima sa kaniyang ina upang sunduin na siya sa Davao dahil sa takot na nararamdaman ng dalaga.

Sa ngayon, hindi pa kumpirmado ng mga awtoridad ang alegasyon at patuloy pa ring nangangalap ng ebidensya ang mga imbestigador kaugnay sa insidente.

Humingi na rin ng tulong ang pamilya sa National Bureau of Investigation (NBI) upang masiyasat nang pormal ang mga pangyayari na nauwi sa pagkamatay ng estudyante.

Ayon sa mga eksperto sa kalusugan, ang ecstasy ay maaaring magdulot ng matinding kasiyahan, pagtaas ng enerhiya, at pagiging madaldal ng gumagamit. Gayunman, maaari rin itong magdulot ng malubhang pinsala sa utak at puso.

Nagbabala rin ang mga health expert na ang patuloy na paggamit ng ecstasy ay maaaring humantong sa pagkaadik, malubhang karamdaman, at mga komplikasyong maaaring magbanta sa buhay ng gumagamit.