“KAMI ay nagtaka dahil may release order na biglang nagbago ang tema. Pinigil siya at iyan ay malaking katanungan,” wika ni Allan Antonio, ang panganay na anak ni dating Calauan Mayor Antonio Sanchez. Kasi, nakatakda na siyang lumabas sa New Bilibid Prison at siya ay numero 187 sa listahan ng mga presong lalaya na sana noong Agosto 20. Nalaman ito ng mga anak ni Sanchez at tiniyak nilang nasa Bilibid Muntilupa sila sa araw na ito. Pero ayon sa kanila, sinabihan sila sa prison gate na ang paglaya ng kanilang ama ay rerepasuhin pa, na siya rin nilang narinig kay Bureau of Corrections Chief Nicanor Faeldon kinabukasan. Kaya, sabi ng mga anak ni Sanchez, pag-uusapan nila ng kanilang mga abogado ang posibleng legal action laban sa patuloy na pagkakapiit nito. “Karapatan niya ito. Hindi lang siya kundi maging ang lahat ng mga karapat-dapat na mabigyan ng parole. Bakit mukhang siya lang ang itinatangi,” wika pa ni Allan Antonio.
Talagang lalabas na sana si Sanchez. Handang-handa na hindi lang siya kundi maging ang BuCor. Sa gabi pa lang bago sa nakatakda na niyang paglaya, kinuhanan na siya ng fingerprint. Bahagi ito ng proseso sa pagpapalaya ng preso. Sa araw ng kanyang paglaya, nakaimpake na siya at nakapaligo. Kaya, maliwanag na naluto na ang pagpapalaya kay Sanchez nina Justice Secretary Guevarra, na nagsabing hindi na mapipigil ito dahil ito ang idinidikta na batas at BuCor Chief Faeldon, na sumang-ayon dito, lalo na’t may release order na, ayon sa kanyang anak.
Kaya, ang buong makinarya ng pagpalaya ng preso ay lubusang kumilos na para makalaya si Sanchez. Sino ang nagpaandar nito? Ang nakalantad sa publiko na may maliwanag na kaugnayan dito ay sina Guevarra, Faeldon at Presidential Spokesperson Salvador Panelo dahil siya ang dating abogado ni Sanchez. Magagawa ba ng tatlo na kumilos sila sa kanilang sariling kapasiyahan? Alam ng tatlo ang mangyayari sa kanila kapag sila lang ang gumawa nito. Kasi, may mga nauna nang pangyayari nang nagalit ang Pangulo at publikong inaglahi at inanunsiyo na tinatatanggal na niya sa puwesto ang mga opisyal ng gobyerno na sinalungat siya o may sinabi at ginawa na hindi niya nagustuhan. Kaya, ang takot lang ng tatlo.
Sa isang banda, naunsyami ang paglaya ni Sanchez dahil pinigil ito ni Pangulong Duterte. Pero, hindi siya mismo ang nagsabi na pinigil niya ito. Si Sen. Bong Go ang nagpahayag nito. Nagalit ang Pangulo at pinatigil, aniya, ang paglaya ni Sanchez. Nang hindi nakasipot ang Pangulo sa seremonya para sa National Heroes Day, isa sa mga dahilan na ibinigay ni Sen. Go sa mga reporter ay inaasikaso nito ang maraming paper work. Bakit hindi sinamantala ng Pangulo ang pagkakataon para sumulat ng kautusan kina Gueverra at Faeldon hinggil sa sinabi ni Go na pinigil niya ang pagpapalaya kay Sanchez? Nitong Martes ng gabi ng magsalita siya sa agrarian reform beneficiaries sa Quezon City, wala siyang binanggit hinggil sa pagpapalaya kay Sanchez. Iba ang kanyang minura at hindi sina Guevarra o Faeldon. Iba rin sa sinabi ni Go, ang natanggap ni Gueverra mula sa Malakanyang. Ayon kay Gueverra, ang natanggap niya ay kahilingan lang na itigil muna ang pagpoproseso sa kaso ni Sanchez hanggang hindi pa napag-aaralan nang mabuti ang lahat ng factual at legal issue. Sa palagay kaya ninyo iyong sinabi ni Go na ipinatigil ng Pangulo ang pagpapalaya kay Sanchez ay nagpapatibay na wala siyang kinalaman dito? May basbas siya.
-Ric Valmonte