ANG regalo o gift palang P100,000 mula sa isang generous at grateful na indibiduwal na natulungan ng kawani ng gobyerno, ay maaaring tanggapin sapagkat ito ay maituturing na maliit na halaga o insignificant lang. Hindi ito isang kurapsiyon, ayon kay Presidential Anti-Corruption Commissioner Greco Belgica.

Ang isyu tungkol sa pagtanggap ng regalo ng pulis ay lumutang matapos sabihin ni Pres. Rodrigo Roa Duterte na puwedeng tumanggap ang pulis ng regalo kapalit ng tulong o pabor na nagawa niya. Ipinagbabawal ito ng batas sa bansa at maging ang Civil Service Commission ay kontra rito.

Katwiran ni Belgica na ang tanggapan (PACC) ay naatasang mag-imbestiga sa mga corrupt official ng gobyerno, ang isang regalo ay maaaring maliit na halaga lang sa isang indibiduwal, pero maaari namang malaki o mahal sa isa pang indibiduwal.

Bilang halimbawa, nakatagpo ang isang kawani ng airport ng naiwang bag na may lamang P1 milyon. Ayon kay Belgica, maaaring tanggapin ng kawani ang ibinigay na P100,000 cash mula sa nagpapasalamat na may-ari ng bag.

Hindi raw maituturing itong kurapsiyon kahit tanggapin ang P100K bilang pasasalamat ng bag owner dahil ito ay kusang ibinigay, hindi naman hiningi o pinilit ng kawani na siya ay regaluhan. Tanong ng kaibigan kong sarkastiko: “Paano Mr. Belgica kung ang natagpuan o isinauli, halimbawa ng kawani o ng isang pulis, ay P5 milyon. Puwede bang tanggapin ang P500,000 bilang regalo kung ang pagkwenta ay P100K sa bawat P1 milyon? Malaki ang isinauling P5 milyon kaya sa labis na pasasalamat ng may-ari ng pera ay binigyan ang nakapulot P500K.”

oOo

Itinuturing ni PRRD na kaibigan ng Pilipinas ang China. Itinuturing din niyang personal na kaibigan si Chinese Pres. Xi Jinping. Siya ba naman ay itinuturing na BFF ng Chinese President na lider ng 1.3 bilyong Tsino? Ang katanungang ito ay hindi maiwasang sumulpot sa isipan ng mga Pinoy sa harap ng mga ulat na patuloy sa paglalayag ang mga warship ng China sa West Philippine Sea (WPS) at maging sa Sibutu Strait na malayo sa WPS.

Nagpahayag ng pangamba ang mga opisyal ng Defense Department at AFP sa patuloy na pagpasok ng Chinese warships sa karagatan ng Pilipinas. Ang pinakahuling incursions ay ang pagdaan ng tatlong barkong-pandigma ng China sa Sibutu Strait, Tawi-Tawi ngayong buwan.

Sinabi ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na ang ganitong paglalayag ng mga barko ay lubhang nakababahala at nagsisilbing “irritant” sa dalawang bansa. Sumang-ayon si presidential spokesman Salvador Panelo sa pahayag na ito ni Lorenzana.

Ayon kay Spox Panelo, ang ganitong incursions ay paglabag sa UNCLOS (United Nations Convention on the Law of the Sea). Laging si Panelo ang nagsasalita para sa Malacañang sapul nang hindi magpakita ang ating Pangulo sa publiko dahil marami raw ginagawa.

Alam ba ninyong ang mga negosyanteng Tsinoy (Fil-Chinese) ay hindi pabor sa TRABAHO BILL (Tax Reform for Attracting Better and High-quality Opportunities) ng Duterte administration? Sinabi ng mga miyembro ng Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc. (FFCCII) na ang pag-aalis sa “tax perks” ay maaaring makabigat sa mga investor, at ang mga apektadong negosyo ay baka magsilipat sa ibang mga bansa, tulad ng Vietnam dahil sa murang labor.

Tandaan natin, ang mga negosyanteng Tsinoy ang mga may-ari ng malalaking negosyo sa ‘Pinas, gaya ng mga mall, real estate, bangko at iba pa.

-Bert de Guzman