NASUNGKIT ng Marinerong Pilipino ang playoff spot sa 2019 PBA D-League Foundation Cup matapos kaldagin ang Asia’s Lashes Tomas Morato, 73-51, nitong Lunes sa Ynares Sports Arena sa Pasig.
Kumikig si Eloy Poligrates sa naitalang 17 puntos, tampok ang 5-of-8 sa three-point area bukod sa limang reboubds at apat na assists para sandigan ang Skippers sa solong pangunguna sa Group A tangan ang 4-0 karta.
Awtomatikong napasama ang isang panalo nang umatras sa torneo ang Nailtalk-Savio.
Nag-ambag sina JBoy Solis ng 11 puntos at JR Alabanza na may siyam na puntos at anim na rebounds.
“Masaya kami, lalo na yung management,” pahayag ni coach Yong Garcia.
“Kailangan natin paghandaan yung last two games natin. Mate-test talaga kami laban sa iWalk at CEU,” aniya.
Nanguna si James Martinez sa Asia’s Lashes (2-2) na may 13 puntos.
Naisalba naman ng Hyperwash ang matikas na ratsada ng McDavid-La Salle tungo sa 144-138 panalo.
Nanguna si JR Cawaling sa hataw ng Hyperwash sa natipang conference-best 48 puntos, pitong assists at tatlong rebounds.
Ang naiskor niya ay ikalawang pinakamalaking puntos sa kasaysayan ng PBA D-League sa likod ng 58 puntos ni James Martinez ng AMA Online Education sa 2016 Aspirants’ Cup.
Kumamada rin si Mac Montilla sa naiskor na 28 puntos at 12 rebounds, habang tumipa si Lord Casajeros ng 24 puntos, apat na board at dalawang assist.
“Scoring-wise, vindicated kami kasi kung titingnan mo yung line up namin on paper, malakas siya eh,” pahayag ni coach Joel Palapal.
“Ngayon, iwo-work namin yung depensa. Kasi yung binigay naming puntos, talagang mataas. Hopefully makabawi kami sa depensa sa next game,” aniya
Ang kabuuang 144 puntos ng Hyperwash ang pinakamataas na iskor sa liga matapos lagpasan ang 141-65 panalo ng Tanduay sa Zark’s Burger noong 2017 Foundation Cup.
Marivic Awitan
Iskor:
(Unang Laro)
MARINERONG PILIPINO (73) -- Poligrates 17, Solis 11, Alabanza 9, Clarito 8, Sara 7, McAloney 7, Yee 6, Diputado 4, Arim 2, Juanico 0, Saguiguit 0.
ASIA’S LASHES (51) -- Martinez 13, Delfinado 9, Dela Cruz 7, Alban 7, Apreku 5, Sarao 4, Camacho 2, Gerero 2, Celada 2, Reyes 0, Deles 0, Dumlao 0.
Quarters: 19-10, 38-20, 58-39, 73- 51.
(Ikalawang Laro)
HYPERWASH (144) -- Cawaling 48, Montilla 28, Casajeros 24, Fortuna 15, Bringas 15, Dadjilul 8, Mirza 2, De Ocampo 2, Ferrer 2, Julkipli 0, Cariaga 0.
MCDAVID-LA SALLE ARANETA (138) -- Iloka 43, Bautista 15, Mangahas 15, Balbuena 13, Acosta 9, Lorenzo 9, Doroteo 8, Batungbakal 8, Briones 6, Medina 4, Correche 4, Pena 3, Esteban 1.
Quarters: 30-39, 68-59, 94-100, 144- 138.
Mga Laro sa Huwebes
(JCSGO Gym, Cubao)
1:30 n.h. -- CEU vs iWalk
3:30 n.h. -- Italiano’s
vs Black Mamba