“ANG Office of the Solicitor General (OSG) ay dapat hukuman ng taumbayan. Hindi ito dapat na tuta ng administrasyon.
Ginawa ng OSG ang kanyang sarili na sandbag sa pagtatanggol sa administrasyon sa kanyang pagnanais na supilin ang mga sumasalungat,” wika ni dating Senador Rene Saguisag sa pagharap niya sa preliminary investigation na ginanap ng Department of Justice bilang abogado ni Sen. Risa Hontiveros. Kaugnay ito ng isinampang mga kasong inciting to sedition, cyberlibel, libel, estafa, harboring a criminal and obstruction of justice ng PNP-CIDG laban kina Hontiveros, VP Leni Robreo, Sen. Leila de Lima, dating mga Senador Antonio Trillanes at Bam Aquino at mga bishops, pari at mga opisyal ng Integrated Bar of the Philippines (IBP). Ang mga ito ay pawang mga kritiko ng administrasyon, kaya nasabi ni dating Sen. Saguisag na ang layunin lang nito sa pagsasampa ng mga kaso ay para sagkaan ang oposisyon. Bagamat inamin ni Assistant Solicitor General Angelita Miranda, na humarap sa pagdinig at kumatawan sa OSG, na ang OSG ay tribuna ng taumbayan, nagbigay siya ng mga legal opinion hinggil sa awtoridad ng kanilang tanggapin na tulungan ang mga ahensiya ng gobyerno sa mga kaso.
“Ang OSG ay law office ng gobyerno na ang Solicitor General ay ang pangunahing law offier at tagapagtangl ng gobyerno,” wika ni Solicitor General Jose Calida sa inisyu niyang pahayag nitong huli. Aniya, hindi niya masikmura ang lenguwahe ni Saguisag. Marahil ang hindi niya matanggap ay ang pagtawag sa kanyang opisina na tuta ng adminisstrasyon. Bakit nga naman hindi matatawag na tuta ang OSG? Ang mga kasong hinaharapan ng OSG laban sa mga pangunahing kritiko ng administrasyon ay nagugat sa video series na may pamagat na “Ang Tunay na Narcolist” na lumabas sa Youtube. Si Joemel Advincula ang umamin na siya ang hooded “Bikoy” sa video at naunang humarap sa media sa tanggapan ng IBP. Kinumpirma niya ang nilalaman ng video na naguugnay sa pamilya ni Pangulong Duterte kabilang si dating presidential assistant, ngayon Senador na si Christopher “Bong Go” sa illegal drug trade. Nang kumambiyo siya at iniharap sa media ng PNP-CIDG, sinabi niya na ang video ay “script” lang at ang mastermind ng gumawa nito ay ang mga nasa oposisyon. Ang pagbaligtad na ito ni Advincula ang ginawang batayan ng PNP-CIDG sa paghahain ng mga kaso laban sa mga kritiko ng administrasyon.
Ang abogado ni Advincula ay si Atty. Larry Gadon na nagsampa ng impeachment complaint sa Kamara. Bakit maghihimasok sa mga kaso ang OSG gayong may pribadong abogado kung hindi ito tuta ng administrasyon?
-Ric Valmonte