UMISKOR ng season-high 29 puntos si Laurenz Victoria upang giyahan ang men's basketball team ng Mapua University sa una nitong panalo sa NCAA Season 95 Basketball Tournament noong Sabado sa pagbabalik ng liga sa Cuneta Astrodome sa Pasay City makalipas ang 11 taon.
"Mahirap kasi talagang kada talo namin, bumababa ang morale namin," wika Victoria tungkol sa 0-5 nilang panimula.
Sa nasabing pagkakataon, tiniyak ng team captain ng Cardinals na hindi sila titiklop sa final stretch kontra Arellano University Chiefs.
Angat lamang ng dalawang puntos, may 1:09 na lamang natitira sa oras, nag takeover ang 22-anyos na guard at umiskor ng isang fadeaway jumper upang bigyan ng dalawamg possession na kalamangan ang Cardinals.
Sinundan nila ito ng isang defensive stop, bago agresibong nag-drive si Victoria at nakakuha ng foul para sa dalawang clutch free throws upang tuluyang pigilin ang tangkang paghabol ng Arellano.
Dahil sa kabayanihang ipinakita ni Victoria na nagresulta sa 73-64 nilang panalo, nahirang ang 6-foot playmaker bilang Chooks-to-Go Collegiate Press Corps NCAA Player of the Week.
"Kailangan kasi maging aggressive, ito yung chance namin na makuha yung unang panalo. Jumpball pa lang, pagkuha ko pa lang ng bola, inatake ko na talaga," ayon pa kay Victoria, na nagtalas din ng 8 rebounds, 3 assists, a stt isang steal.
"Wala na akong pakialam basta manalo kami."
Tinalo ni Victoria para sa lingguhang citation sina Lyceum center Mike Nzeusseu at San Beda guard Evan Nelle. Marivic Awitan