BATID ni Edgar Charcos kung ano ang posibleng mangyari sa kanilang koponan na University of Perpetual habang dinidribol niya ang bola patungo sa pagtatapos ng laban nila ng Arellano University nitong Hulyo 30 sa NCAA Season 95 Men’s Basketball Tournament.
Tabla ang iskor sa 73-all, nag takeover ang beterano ng Altas at nagsilbing bayani sa nasabing laro nang maisalpak ang floater sa nalalabing 3.4 segundo sa orasan para maihatid ang Altas sa panalo.
Pinutol ng naturang panalo ang three-game losing streak ng Altas at naging daan din upang tanghaling Chooks-to-Go Collegiate Press Corps NCAA Player of the Week si Charcos.
“Sa kanya talaga yun,” pahayag ni Perpetual coach Frankie Lim na nagsabi ring tiwala siyang magagawa ni Charcos ang gusto niyang i-deliver para sa Altas sa endgame.
Isinalansan ni Charcos ang anim sa itinala niyang 15 puntos sa payoff period bukod sa limang assists, at dalawang rebounds upang pamunuan ang nasabing panalo ng Perpetual.
Tinalo niya para sa lingguhang citation sina Letran big man Larry Muyang, Jimboy Pasturan ng St. Benilde at Chester Jungco ng Jose Rizal University.
Marivic Awitan