LABING-APAT na state universities and colleges (SUCs) sa bansa ang nakatanggap ng digital library services mula sa Southeast Asian Fisheries Development Center/Aquaculture Department (SEAFDEC/AQD), na nagdiriwang ng kanilang ika-46 na anibersaryo ng pagkakatatag.

Naglalaman ang International Association of Aquatic and Marine Science Libraries and Information Center (IAMSLIC) Digital Fisheries Libraries ng mahigit sa 26,000 na publikasyon na libreng magagamit sa pamamagitan ng laptop o smartphone.

Ang pinakahuling donasyon ay magsusuma sa 35 na SUCs sa bansa na kasalukuyan ng gumagamit ng digital library, ayon kay Stephen Alayon, pinuno ng Library and Data Banking Services Section ng SEAFDEC/AQD.

Ayon kay Alayon sa isang pulong-balitaan sa Tigbauan, Iloilo, “we tried to spread it out in different regions and we appreciate the schools’ administrators and teachers who came here just to receive the library box”.

Ang publikasyong isina-digital ay hindi lang mula sa AQD ngunit mula rin sa ibang kagawaran ng SEAFDEC, tulad na lang ng marine fisheries research department, marine fishery resources development and management department, at inland fishery resources and management department, ayon kay Alayon.

“It contains publication very important to Southeast Asia,” dagdag pa niya.

Hangad din ng donasyon na madagdagan ang kokonting koleksyon sa mga silid-aklatan ng mga SUCs.

Isa sa mga naging pamantayan sa pagpili ng SUCs na bibigyan ng digital library ay dahil “most of them are offering BS (Bachelor of Science) in Fisheries program. Second is they send OJTs (on-the-job trainees) here for their summer OJT program,” ayon kay Alayon.

Maliban sa digital libraries, ang SEAFDEC ay namahagi rin ng mga nakalimbag nitong mga publikasyon sa mga unibersidad.

Ngayong taon, aniya, ay nakapagbigay na sila ng mga kopya sa mahigit 300 na nakatanggap, kasama na ang mga senior high school na nag-aalok ng Aquaculture NCII bilang track.

Ang SEAFDEC ay isang regional treaty organization na may layuning magtaguyod ng pagpapanatili sa pag-unlad ng pala-isdaan sa Timog-silangang Asya sa pamamagitan ng mga pananaliksik, pagsasanay at mga aktibidad na nagpapakalat ng impormasyon.

Ang labing-isang miyembro nito ay ang Brunei Darussalam, Cambodia, Indonesia, Japan, Lao PDR, Malaysia, Myanmar, Pilipinas, Singapore, Thailand, at Vietnam.

PNA