Dear Manay Gina,
Tatlong taon akong nakipag-relasyon sa ama ng aking nag-iisang anak. Habang ako’y buntis, hindi niya ako sinuportahan.
Nagdalawang-isip kasi siya kung mahal pa niya ako at biglang nagpasya na sumama sa kanyang magulang sa Amerika habang ako’y nasa huling buwan ng pagbubuntis.
Nitong makabalik siya at nakita ang kanyang anak, niligawan niya akong muli at nag-alok na magsama kami. Noong isang linggo, nagkaroon kami ng pagtatalo. Sa tingin daw niya, walang hahantungan ang aming pagsasama. May pagtingin daw siya sa akin kaya lang, wala siyang nadaramang pag-ibig.
Kung tutuusin, hindi ko rin naman siya ganoon kamahal, pero sa palagay ko, kahit ‘di masyadong nagmamahalan ang magkasama, puwede rin silang bumuo ng magandang pamilya, ‘di po ba?
Irene
Dear Irene,
Totoo yan. Puwedeng pagsikapan ng magkasama na magsama sa iisang bubong kahit kulang sila sa pagmamahal sa isa’t isa. But a couple is two people. At sa inyong sitwasyon, ikaw lamang ang may pagnanais na mabuo ang inyong pamilya kahit kulang kayo sa amor.
Kung iisipin, may pagkairesponsable ang iyong kinakasama. Kaya, sa halip na maghabol o magmukmok sa sinapit na buhay, isipin mo na lamang na mas makakatagpo ka ng mas mahusay na lalaki sa susunod na pagkakataon.
In the meantime, asikasuhin mo ang kanyang child support, upang masigurong tutulungan ka niya sa aspektong pinansiyal ng inyong anak. Kahit mangailangan ka pa ng tulong ng korte, gawin mo ito. Good luck.
Nagmamahal,
Manay Gina
“In human relationships, kindness and lies are worth a thousand truths.”-----Graham Greene
Ipadala ang tanong sa [email protected]
-Gina de Venecia