ANG isyu tungkol sa kung sino ang magiging Speaker sa 18th Congress ay hindi pa nalulutas dahil ayaw makialam ni Pres. Rodrigo Roa Duterte sapagkat lahat ng kandidato sa posisyon ay kanyang mga kaalyado at kaibigan.
Ang tatlong seryosong kandidato sa Speakership ay sina Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, Taguig City Rep. Alan Peter Cayetano at Leyte Rep. Martin Romualdez. Ang tatlo ay nakipagpulong sa dalawang anak ni PRRD tungkol sa isyu nitong weekend, kina Davao City Mayor Sara Duterte at Davao City First District Rep. Paolo “Pulong” Duterte.
Ang miting nina Velasco, Cayetano at Romualdez sa magkapatid na Duterte ay nagsimula noong Biyernes hanggang Sabado. Sino man sa kanila ang piliin nina Sara at Pulong, tiyak na siya ang magiging Speaker. Habang sinusulat ko ito, wala pang tiyak na Speaker sa Kamara.
Gayunman, ang napipisil ng dalawa ay si Davao City Third District Rep. Isidro Ungab. Dahil dito, kung hindi “magbabago ang ihip ng hangin” wika nga, siguradong si Ungab ang tatanghaling Speaker ng House of Representatives (HOR). Sa nakaraang Kongreso, hinawakan niya ang House Committee on Ways and Means at House Committee on Appropriations.
Ayon sa ulat, ang isyu na pinag-uusapan at nilulutas ay tungkol sa concessions sa mga committee chairmanships. Pinamumunuan ni Sara Duterte-Carpio ang Hugpong ng Pagbabago (HNP) samantalang pinamumunuan naman ni Pulong ang Hugpong sa Tawong Lungsod.
Inuulit natin, ano ba ang meron sa Speakership at “nagpapakamatay” at hilong-talilong ang ilang kongresista para mapiling lider ng Mababang Kapulungan? Sa puwesto bang ito, mayroong “balon ng kayamanan” o sa posisyong ito ay naroroon ang dangal at serbisyo para sa bayan at mamamayan?
Binalewala lang ng Malacañang ang pahayag ni Jose Ma. Sison, founding chairman ng Communist Party of the Philippines (CPP) na maaaring maglunsad ng coup d’etat ang United States. Pinagtawanan ni presidential spokesman Salvador Panelo ang remark ni Joma, at inilarawan ito bilang “wishful thinking.”
“Ito ay isang wishful thinking mula sa isang matanda, pagod, bigo at armchair revolutionary,” kantiyaw ni Panelo sa pahayag ni Joma Sison. Idinagdag pa ni Spox Panelo na si Sison ay “living in exile and in comfort while his comrades are in the mountains fighting.”
Bukod dito, tiwala ang ating Pangulo na hindi siya maaaring patalsikin ng dayuhang puwersa (US) sapagkat ang China ni Pres. Xi Jinping ay hindi papayag na siya ay mapatalsik. Marahil ay ganito rin ang paniniwala ni PRRD tungkol sa Russia ni Pres. Vladimir Putin. Ipagtatanggol siya nina Xi at Putin.
-Bert de Guzman