Isang sub-leader ng Abu Sayyaf Group at dalawang kasamahan nito ang sumuko sa Philippine Army sa bayan ng Hadji Mohammad Ajul sa Basilan, nitong Lunes.
Lunes ng hapon nang sumuko sa militar ang sinasabing kidnap-for-ransom leader ng Abu Sayyaf na si Abdullah Indanan, matapos ang negosasyon kay Moro Islamic Liberation Front (MILF) Commander Dan Asnawi, na nakabase sa Basilan.
Kasama ni Indanan sa pagsuko ang dalawa niyang tauha, na nagsisilbing bodyguards at point men niya sa pagdukot sa mga prominente at mayayamang tao sa Mindanao.
Hindi naman pinangalanan ni Asnawi ang dalawang kasamahan ni Indanan, na sumasailalim pa umano sa tactical interrogation ng militar sa probinsiya.
Ayon sa mga ulat, sangkot si Indanan sa mga serye ng kidnapping sa Zamboanga City, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi.
Mismong si Asnawi at mga opisyal ng Special Forces Company ng Army ang nagdala kay Indanan sa 104th Brigade sa Barangay Tabiawan, at iprinisinta kay Brig. Gen. Fernando Reyeg.
-Nonoy E. Lacson