Mga Laro Ngayon

(MOA Arena)

4:30 n.h. -- Blackwater vs Magnolia

7:00 n.g. -- NLEX vs San Miguel

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

PAG-AAGAWAN ng Blackwater at ng rumaratsadang Magnolia ang ikatlong puwesto sa nakatakda nilang pagtutuos ngayong hapon sa pagpapatuloy ng 2019 PBA Commissioner’s Cup sa MOA Arena.

Magkasunod sa kasalukuyan sa ikatlo at ika-apat na puwesto ang Elite at ang Hotshots hawak ang markang 5-2 at 5-3, ayon sa pagkakasunod sa likod ng mga namumunong TNT Katropa (8-1) at Northport Batang Pier (8-2).

Magsisikap ang Elite na makabangon mula sa kinasadlakang dalawang dikit na pagkatalo magmula ng umuwi at magpagamot sa US ang kanilang import na si Alex Stepheson habang magtatangka naman ang Hotshots na maipagpatuloy ang naitalang 5-game winning run buhat sa unang tatlong dikit na kabiguan.

Inaasahang makakatuwang ng Elite sa tangkang pagbalik sa winning track ang bagong import na si Stephon Blair na masusubok sa tapatan nila ni Hotshots import James Farr.

Samantala sa tampok na laro, magkukumahog naman ang San Miguel Beer na makabangon sa natamong dalawang sunod na kabiguan, pinakahuli noong Hunyo 30 sa kamay ng Columbian Dyip, 132-134, upang patuloy na buhayin ang tsansang pumasok sa top 8.

Sa panig naman ng katunggali nilang NLEX, sisikapin na lamang nitong umangat mula sa kinalalagyang buntot ng standings taglay ang markang 2-7.

-Marivic Awitan