Pinayuhan ng ilang kongresista si Senator Manny Pacquiao na huwag nang makialam sa problema sa Kongreso at sa halip ay pagtuunan na lamang nito ng pansin ang usapin sa Senate presidency.
Ito ang naging reaksyon nina 1-SAGIP party-list Rep. Rodante Marcoleta at Capiz Rep. Fredenil Castro kaugnay ng pakikialam ng senador sa isinasagawang pagpipili sa magiging House Speaker ng 18th Congress.
Dapat aniyang unahin ni Pacquiao ang pagtatalaga ng pangulo ng Senado na huhugutin sa Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban).
“Bakit dito (House of Representatives) ka (Pacquiao) nag-e-endorso? Sa Senado, bakit hindi mo i-endorso na ang Senate President dapat ay PDP-Laban? Bakit ang inaasinta mo dito ang speakership? Hindi ka naman makakaboto dito dahil hindi ka naman congressman,” pagtatanong ni Marcoleta.
Matatandaang isinapubliko ni Pacquiao na iniindorso ng PDP-Laban si Marinduque Rep. Lord Allan Jay Velasco bilang pambato nila na maging Speaker.
Ang naging pahayag ni Pacquiao ay kinuwestiyon ng ilang miyembro ng kanilang partido dahil hindi umano sila kinonsulta sa usapin.
“They [some of the PDP-Laban stalwarts] were claiming that Senator Pacquiaio’s position is not the official party stand. In short, they questioned what Senator Pacquiao has been doing in the speakershiprace. He should not dip his finger on the affairs of the House of Representatives. He is a senator,” paliwanag naman ni Castro.
Kabilang sa mga kongresistang kumukuwesityon sa deklarasyon ni Pacquiao sina Albay Rep. Joey Sarte Salceda at PDP-Laban member, San Jose del Monte Rep. Rida Robes.
“I am appealing to all leaders of political parties: let democracy
reign in the House of Representatives and give us the freedom to
choose our own Speaker,” pahayag naman ni Robes.
-Charissa M. Luci-Atienza