SA larangan ng politika dito sa atin, katulad ngayong nasa kainitan ang pagpili sa susunod na Tagapagsalita ng Kamara de Representante o Speaker ng House of Representatives, ‘di maaaring mawala ang tinatawag na “gapangan” ng bawat kampo ng mambabatas na nag-aambisyon na makuha at maupo sa makapangyarihang puwesto.
Iba’t iba ang pakulo ng mga mambabatas. Kanya-kanyang silang gimik at ito ang ilan sa mga nakaraang senaryo sa Kamara.
Naramdaman ng ilang mambabatas na kabilang sa Nacionalista Party (NP) na tila hindi makakukuha ng sapat na boto para sa pagiging Speaker of the House, si Rep Alan Peter Cayetano ng Pateros-Taguig City, kaya gumimik agad ang mga alipores nito.
Kumilos sila at pilit na kinukumbinsi na sumama na lang sa kanila ang grupo naman ng isa ring gustong maging Speaker -- dahil mas malaki raw ang tiyansa ng manok nila na makopo ang pagiging pinuno ng Kamara.
Bokya agad sila rito dahil hindi naman kumagat sa pain nila ang mga ito, na ang dahilan naman ay wala pa umanong “go signal” mula sa kanilang bossing – ang mag-asawang Villar (Manny at Cynthia) hinggil sa kung ano ang magiging kapalaran ni Cayetano. Hinihintay nila kasing pakawalan na sila ng mag-asawang Villar sa anumang “commitment” na suportahan si Cayetano.
Sa sandali kasing pakawalan na ang mga miyembrong ito ng NP, malaya na silang makapipili ng sinumang napupusuan nilang iluklok bilang kanilang Tagapagsalita. O ‘di ba medyo masalimuot ang ganitong kalagayan, na kung tawagin ng mga beterano sa Kamara ay “political dynamics” sa loob ng isang partido.
Kaya nga mabigat na dahilan ito upang ligawan ang mga mambabatas ng NP – at kasama sa mga iniaalok sa mga ito ay ang malagay sa ilang mahahalagang “committee” sa Kamara o kaya naman ay maging kasapi ng “powerful” na Commission on Appointments at House Electoral Tribunal.
Aabot na umano sa 40 ang mga mambabatas na miyembro ng NP – sa ibang mambabatas ay parang ‘di kapani-paniwala ang bilang na ito – ngunit sa kabuuan ay pinaniniwalaang ‘di nagkakaisa ang mga ito.
Hindi rin kapani-paniwala para sa kanila ang alegasyon ng suhulan, tulad ng pinagdiinan ni Rep. Pantaleon Alvarez. Masyado naman kasing maliit ang halagang binanggit nito na aabot lang sa pagitan ng P500,000 at P1 milyon ang suhol bilang kapalit ng kanilang mga boto. Ano nga naman sila – CHEAP?
Ngunit totoong may kapalit ang paghalal sa bagong Speaker – nasa anyo ito ng pagiging chairman ng mga mahahalagang committee at sangay ng Kongreso – at ang tawag dito ay “political horsetrading” isa ito sa mga sinasabi kong “political dynamics” sa Kamara.
May iba pang uri nang gapangan – kasama na rito ang pagkumbinsi o pag-takot sa nakaupong Pangulo ng bansa, upang makuha ang basbas nito at masuportahan ang gustong maging Speaker.
Parang may naramdaman akong ginawang ganyan sina Rep. Cayetano at Rep. Lord Allan Jay Velasco ng Marinduque.
Pareho silang pumunta sa Bangkok sa magkakahiwalay na eroplano noong nakaraang linggo sa paniwalang makakausap nila ang pangulo at makukumbinsing nombrahan ang sinuman sa kanila bilang kapalit ni Gloria Macapagal-Arroyo.
Ngunit sobrang busy si Duterte sa mga meeting at pakikipag-usap sa mga ASEAN leader, kaya malabo na nakausap nila ito nang masinsinan at nakumbinsing baguhin ang naunang posisyon nito, na ‘di makikialam sa pagpili ng bagong speaker.
Dito naman tila nakauungos sa kanila si Rep. Martin Romualdez ng Leyte. Noong nakaraang linggo, lumipad si Rep. Romualdez sa Davao City upang saksihan ang pagsumpa ng magkapatid na Sara at Sebastian Duterte bilang Mayor at Vice-Mayor ng siyudad. At ang kapansin-pansin dito, bukod-tangi na si Romualdez lang ang inimbitahan sa tatlong contender na maging speaker!
Heto pa -- paulit-ulit na tinawag ng magkapatid si Rep. Romualdez na SPEAKER, na buong linaw na narinig ni Harry Roque, dating tagapagsalita ni Pangulong Duterte, kaya ‘di nito napigilan na magkomento ng ganito: “Kung ako ang tagapagsalita ng president, ipahahayag ko na sa publiko na mukhang napipisil si Martin.”
Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.