Nabalahaw ang 14-wheeler-truck, na kargado ng buhangin, nang malubog sa limang talampakang butas sa Maynila, nitong Linggo ng madaling araw.

Ayon kay Michael Lagco, driver ng truck, galing sila sa Pampanga at patungong Manila Baywalk upang i-deliver ang toneladang buhangin para sa Manila Bay rehabilitation nang mahulog sa butas sa kahabaan ng Remedios Street corner Roxas Boulevard, dakong 1:00 ng madaling araw.
Sinabi ni Lagco na dadaan sana sila sa Roxas Boulevard, ngunit pinadaan sila ng traffic enforcers sa service road para sa Manila Marathon 2019 event.
Ang harapang bahagi ng truck ay may nakakabit na tarpaulin na may nakasaad na, "Manila Bay Task Force."
Hindi naman nasaktan si Lagco at dalawa niyang kasama.
Ayon kay Arnel Isanan, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Sector Commander of Roxas Boulevard, matatagalan bago maalis ang truck sa lugar.
Sinabi ni Isanan na nahulog ang truck sa butas.
"As of now, we are still looking into the possibility if the hole will grow wider and deeper. Around four to five deep siya ngayon but first, we will start to unload the sand first from the truck," aniya.
Sa ngayon, naglagay ang mga tauhan ng MMDA at Department of Public Works and Highways ng orange barriers sa lugar.
Pansamantalang isinara sa mga motorista ang Remedios Street corner Roxas Boulevard.
"Temporary road closure at Roxas blvd Rajah Sulayman NB due to Stalled truck as of 11:30 AM. Expect heavy traffic on this area. Take alternate route," abiso ng MMDA.
-Erma R. Edera at Mary Ann Santiago