Bumaba sa 56.8 porsiyento ang kabuuang bilang ng carnapping incidents sa mga motorsiklo sa buong bansa para sa buwan ng Mayo kumpara sa kahalintulad na panahon noong nakaraang taon, isiniwalat ng police spokesperson ngayong Miyerkules.
Ayon kay Police Colonel Bernard Banac, Philippine National Police (PNP) spokesperson, nasa kabuuang 19 na carnapping incidents ang naitala noong nakaraang buwan.
Gayunman, sinabi niyang ito ay mas mababa sa 44 na insidente na naitala noong Mayo 2018.
Binanggit ni Banac ang datos mula sa Crime Information Reporting and Analysis System (CIRAS) o mas kilalang PNP-Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM)'s enhanced electronic blotter (e-Blotter).
"Carnapping incidents [have] gone done following the PNP's intensified campaign against criminality and the HPG [Highway Patrol Group]'s relentless campaign against carnapping syndicates nationwide," ani Banac.
-Martin A. Sadongdong