SA wakas, nagalit din ang ating Pangulo, si Pres. Rodrigo Roa Duterte, sa itinuturing niyang kaibigan at katotong China ng BFF na si President Xi Jinping. Ang galit ni Mano Digong ay bunsod ng pagbangga ng isang Chinese vessel sa fishing boat ng mga mangingisdang Pinoy na nakaangkla sa Recto (Reed) Bank sa Palawan.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, nagpupuyos sa galit ang Pangulo. Posible raw putulin ng Pilipinas ang relasyong diplomatiko sa China kapag napatunayang ang pagbangga sa bangka na may lulang 22 fishermen ay intensiyonal o sinadya. Tinakasan pa ng barko ng China ang binanggang bangka, hinayaang lumubog habang sisinghap-singhap ang mga mangingisdang Pinoy sa dagat.
Sa halip na tumigil, parang walang nangyari sa pagbangga sa nakaangklang bangka. Hindi man lang tinulungan ang mga mangingisdang Pilipino na dapat ay sinagip alinsunod sa batas sa karagatan. Mabuti na lang at may isang bangkang pag-aari ng mga Vietnamese na nasa bisinidad ng aksidente, at sila ang tumulong na magligtas sa Pinoy fishermen.
Mabuhay ang Vietnam! Mabuhay si Ho Chi Minh!
Kung paniniwalaan si Spox Panelo at hindi ito isang biro o hyperbole lang, talaga raw nagalit si PDu30, lalo na at ang insidente ay nataon pa sa Philippine- China Friendship Day (Hunyo 9), at tatlong araw bago ang selebrasyon sa ika-121 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.
Pahayag ni Panelo: “Kapag napatunayang sinadya ang pagbangga/ pagpapalubog sa bangka, ito ay maituturing na isang act of aggression na ikapuputol ng diplomatic ties ng Pilipinas sa China. Batay sa ulat ng mga mangingisda, hindi sila naniniwalang hindi nakita ng Chinese vessel ang fishing boat ng mga Pinoy dahil ito ay may mga ilaw habang naka-dock. Kung ganoon, maaari ngang sinadya ang pagbangga sapagkat malalakas ang loob ng mga Chinese laban sa Pilipino dahil takot ang Pilipinas na makipaggiyera sa dambuhala.
Nagpahayag din ng galit si Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. at sinabing naghain na siya ng diplomatic protests sa China. Dapat ay ganito ang ginagawa ng ating bansa tuwing may nakikitang paglabag o pagsasamantala ang China sa West Philippine Sea. Ang problema, laging sinasabing ayaw natin ng giyera sapagkat mauubos lang ang ating mga kawal at pulis kapag nakipagdigmaan sa dambuhala. Eh, wala namang gustong makipaggiyera. Ang dapat lang ay magprotesta at ipaalam sa China na mali ang kanilang ginagawa sa WPS, at malaman din ng mundo ang reclamation activities nito sa naturang lugar.
By the way, sumulat sa ating Pangulo ang Association of Isolated Electric Cooperatives, Inc. (AIEC) sa pamamagitan ni Senator-elect Christopher Lawrence “Bong” Go, na kumokontra sa pagpapatibay ng House Bill No. 8179 o “Granting SOLAR PARA SA BAYAN (SPSB) CORPORATION , na nagkakaloob ng prangkisa na magtayo, mag-instala, magtatag, mag-operate at magmantine ng “Distributed Energy Resources and Microgrids,” sa malalayo, unviable, unserved o underserved na mga lugar sa ilang probinsiya.
Sa liham ni Rene M. Pajilagutan, pangulo ng AIFC, kay PRRD, ang ganitong prangkisa ay maituturing na “super franchise, illegal at unconstitutional”.
Noong May 27, 2019, pinagtibay ng Senado sa pangatlo at pinal na pagbasa ang HB 8179 na nagkakaloob sa Solar ng Bayan ng umano’y Super Franchise na mag-supply, mag-transmit at mamahagi ng enerhiya sa sumusunod na mga probinsiya: Aurora, Batangas, Bohol, Cagayan, Camiguin, Compostela Valley, Davao Oriental, Isabela, Masbate, Quezon, Misamis Occidental, Occidental Mindoro, Palawan at Quezon.
Nakikiusap ang AIEC sa Pangulo na kapag ipinasa ng Kongreso ang bicameral conference committee report, sana ay i-veto ito dahil ang Super Franchise daw na ito ay “illegal, unconstitutional.”
Ano kaya ang tugon dito ng Solar ng Bayan?
-Bert de Guzman