Naaresto ng mga tauhan ng Dagupan City Police ang umano’y killer ng youth minister ng St. John Cathedral Church, iniulat ngayong Martes.

Kinumpirma ni Col. Redrico Maranan, acting PNP provincial director, ang pagkakaaresto kay Jeric Gonzales, 22, ng Paras Street, Bonuan Gueset, Dagupan City, sa Muelang, Mangatarem, Pangasinan, walong oras matapos ang pagkamatay ni Bernadette Saplan, 18, first year college sa University of Pangasinan.
Ayon sa awtoridad, inaresto si Gonzales sa kasong theft noong Hunyo 16, 2013, at robbery with attempted rape noong Hunyo 23, 2016.
Ayon sa imbestigasyon, sa ganap na 8:30 ng gabi nitong Hunyo 15, nilisan ng biktima ang kanilang bahay upang dumalo sa birthday party at hindi na umuwi.
Kinabukasan, nakita ni Glenard, kapatid ng biktima, ang hubo’t hubad na bangkay ni Bernadette sa madamong lote sa Pampano St., Tondaligan Blue Beach Subdivision, Bonuan Gueset, Dagupan City, Pangasinan.
Sa pinakabagong imbestigasyon, sinabi ni Col. Abubakar Mangelen, acting chief of police, ninakawan at pinatay ng suspek ang biktima.
Ayon kay Mangelen, ang biktima ay taekwando expert at sinubukang depensahan ang sarili sa krimen, ngunit lumalabas na nakakuha ang suspek ng matigas na bagay at inihampas sa ulo ng biktima, na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Ayon sa awtoridad, posibleng pagnanakaw ang motibo dahil nawawala ang cell phone at alahas ng biktima.
Inaalam na rin sa resulta ng medico legal kung hinalay ng suspek ang biktima.
-Liezle Basa Iñigo