PINANGUNAHAN ng mga batikang archers na sina Gabriel Moreno, Kareel Hongitan at Nicole Marie Tagle ang koponan ng Pilipinas sa pagsabak sa World Archery Championships na gaganapin sa Hertogenbosch sa Netherlands.
Ang torneo ay bahagi ng qualifying meet para sa 2020 Tokyo Olympics.
Nagsimula nang sumabak ang tatlong nabanggit na archers sa recurve sa Qualification round kasama ang dalawa pang beterano na sina Flor Matan at Pia Elizabeth Bidaure, kung saan target nila na makapasok sa semifinal round bawat isa para makapasok sa Tokyo Games.
Kasama rin si Paul Marton de la Cruz para sa compound event na sasabak bilang bahagi naman ng kanyang pahahanda para sa nalalapit na hosting ng bansa ng 30th Southeast Asian Games.
Sumabak ang Pilipinas sa nasabing kompetisyon, kasama ng 600 archers buhat sa kabuuang 90 bansa sa pangunguna ng powerhouse na Korea, ang Estados Unidos, Chinese Taipei at ang Netherlands.
Target din ng mga nasabing bansa na makasikwat ng puwesto para sa Olimpiyada gaya ng limang beteranong archers ng bansa.
Huling sumabak ang Pilipinas sa Olimpiyada noong taong 2012 London Summer Olympics, kung saan naging pambato ng bansa sina Rachelle Cabral Dela Cruz at Mark Javier, matapos na magwagi ang mga ito sa World Cup sa Utah.
-Annie Abad