NAGTATANONG ang mga Pinoy kung ano ba ang totoo: Pababa ba ang salot ng illegal drugs sa Pilipinas o patuloy sa paglaganap dahil sa tone-toneladang shabu na nakapupuslit sa Bureau of Customs (BoC) at mga pantalan?
Noong Marso, sinabi ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na naging grabe ang problema sa illegal drug trade bunsod umano ng pagpasok sa bansa ng ilang drug cartel. Gayunman, mula sa Tokyo na pinuntahan niya para sa Nikkei Conference noong nakaraang linggo, inihayag ng Pangulo na ang “drug menace” sa PH ay bumababa na. Sa harap ng Filipino community sa Tokyo, sinabi niyang “Ang droga ay pababa, pero meron pa ring nagtatapon.”
Hindi binanggit ni Mano Digong ang mga detalye kung bakit bumababa ang kalakalan ng illegal drugs sa Pinas. Sapul noong 2016, naglunsad ang Pangulo ng brutal war sa bawal na gamot at nagbanta na papatayin niya ang drug lords at mga pulitiko na nagpoprotekta sa kanila.
Ilan na bang drug lords/smugglers ang napatay? Ilan naman ang pushers at ordinaryong users ang naitumba?
Noong Marso, sinabi niya na ang bilang ng drug addicts sa bansa ay lumuko na sa 7 milyon hanggang 8 milyon, halos doble sa 3 milyon hanggang 4 milyon noong siya’y maluklok sa puwesto noong 2016. Nilinaw ng mga opisyal na ang 3-to-4 milyon ay sa Metro Manila lamang.
Batay sa record ng Philippine National Police at ng Philippine Drug Enforcement Agency, mahigit sa 5,000 tao ang napatay sapul nang ilunsad ni PDu30 ang anti-drug war, subalit para sa ilang human rights groups, ang death toll o napapatay ng mga pulis ay aabot na sa 27,000. Noon, halos araw-araw o gabi-gabi, maririnig sa radyo na may napapatay ang mga pulis at vigilantes na drug pushers at ordinaryong users na nakatsinelas dahil NANLABAN daw.
Maliwanag pa sa sikat ng araw na hindi masasawata o masusugpo ang problema ng illegal drugs sa Pilipinas kahit na nga libu-libo ang patayin habang nakapapasok o hinahayaang makapuslit sa BoC ang bilyun-bilyong pisong shabu. Tanong: “Nasaan na ang mga shabu na nakasilid sa apat na magnetic lifter na natagpuan ng PDEA sa isang bodega sa Cavite noon?” Wala na raw laman ang mga lifter nang ito’y buksan.
Inuulit natin, walang kontra sa giyera ni PRRD sa illegal drugs. Lahat ng mamamayan ay kumporme rito. Tama ito, nasa tuwid na direksiyon, pero papaanong masusugpo ang epidemya ng mga bawal na gamot na sumisira sa utak ng mga Pinoy, lalo na ng mga kabataan na labis ang pagmamahal ng ating Pangulo, kung patuloy na nakapapasok o hinahayaang maipuslit ng mga corrupt BoC officials at kawani, ang bultu-bultong shabu na bilyun-bilyong piso ang halaga?
-Bert de Guzman