MATINDI at mainit ang labanan sa pagka-speaker ngayon sa 18th Congress. Kung sa mga radyo at TV ay laging sinasambit ng mga broadcaster at anchor ang “Nagbabagang mga balita”, dito naman sa Kamara ay talagang naglalagablab ang agawan sa speakership.
Humuhugong ang mga ulat o tsismis na nagkakaroon ngayong kaaga ang bilihan at suhulan sa Mababang Kapulungan. May nagbibintang pang may kandidato/ mga kandidato na nag-aalok umano ng mula P500,000 hanggang P1 milyon sa bawat kongresista basta siya ay pipirma sa manipesto na ang iboboto niya ay ang nagbigay ng “pabuya”.
Silipin natin kung sinu-sino ang nag-aambisyong speaker: Davao del Norte Rep. Pantaleon “Bebot” Alvarez (ex-Speaker), Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, Leyte Rep. Martin Romualdez, Antique Rep. Loren Legarda, Taguig City Rep. Alan Peter Cayetano, Pampanga Rep. Aurelio Gonzales. May balitang pabor na kampihan o suportahan ni Davao City Mayor Sara Duterte sinuman kina Velasco o Romualdez. Itinuturing si Inday Sara bilang isang “King Maker”. ‘Di ba noon ay napatalsik niya si Bebot?
Sa isang panayam kamakailan sa TV, binanggit ni Alvarez na may impormasyon siyang may kandidatong nag-aalok ng P500,000- P1 milyon para ibotong speaker. Tameme naman si Rep. Bebot kung sino ang kandidato o mga kandidato na nag-aalok ng ganitong halaga.
Ano bang mayroon sa tanggapan ng speaker kung bakit parang “kinamamatayan” ito ng ilang kongresista na nais makuha ang puwesto? Ang alam natin, sakaling mamatay o maimbalido ang Pangulo, siya ang pangatlo sa hanay ng successor sa trono. Ang una ay vice president, susunod ay senate president, at ang speaker ng Kamara.
Matagumpay ang biyaheng- Japan ni Pres. Rodrigo Roa Duterte. Lumagda ang Pilipinas at Japan sa 26 na kasunduan, na nagkakahalaga ng $5.5 bilyon. Magkano ba ito, Jet, sa perang Pinoy? Nagpasalamat si PRRD sa mga negosyanteng Hapones dahil sa layunin nilang palawakin ang operasyon ng kanilang mga negosyo sa ating bansa.
Nangangahulugan ito, ayon sa Pangulo, nagtitiwala ang Japan sa Pilipinas na sinisikap niyang linisin at tagpasin ang kurapsiyon at anomalya. Naninindigan at nangako si PDu30 na magiging maayos at ligtas ang mga negosyo ng Japan sa Pilipinas. “Puwede ninyo akong tawagan ano mang oras kung kayo’y may problema. Kapag meron kayong problema, we will kill the problem,” pahayag ng Pangulo.
Napansin ba ninyo ang Malacañang photo na nalathala sa Manila Bulletin noong Huwebes? Makikita si PRRD sa Nikkei Conference on the Future of Asia sa Imperial Hotel, Tokyo. Kasama niya sa paglakad sina Trade and Industry Sec. Ramon Lopez at senator-elect Christopher “Bong” Go na may hawak na itim na bag.
Si Bong Go ay nasa likuran ng Pangulo tulad ng laging nakikitang litrato na siya ay nasa likod ni PRRD. ‘Di ba tinawag na siya noon na “Pambansang photo bomber.” Nagtatanong ang taumbayan kung si Bong Go na ngayon ay isa nang senador, ay mananatiling alalay o kasama-sama ni PRRD kapag may mahalagang dadaluhan?
Iyan ang hindi natin masasagot ngayon. ‘Di ba minsan ay sinabi ng Pangulo kay senator-elect Bato Dela Rosa nang humingi ito ng payo kay PRRD na “Senador ka na ngayon na halal ng bayan. Hindi ka senador ni Duterte. Kaya mo ‘yan.” Ganito rin kaya ang magiging payo ni PRRD sa matapat niyang alalay na si Bong Go?
-Bert de Guzman