Pitong bilanggo na nahaharap sa iba’t ibang kaso ang nakapuga sa detention cell ng Police Community Precinct 2 (PCP-2) ng Antipolo City Police, nitong Linggo ng madaling araw.

JAILBREAK (21)

Sa report g Antipolo City Police, ang mga nakatakas ay nakilalang sina Dominic Gabanez, na may kasong carnapping;  Adrian Demetrio at Angelo Roberto, na kapwa may kasong paglabag sa Republic Act 9165 (The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002); Russel Martinez, Murphy Sison, at Benedic Belmonte na pawang may kasong Robbery; at Edward Magalo, na may kaso ring paglabag sa RA 9165.

Kaagad namang sinibak ni Antipolo City Police chief, Col. Villaflor Bannawagan, sa puwesto ang commander ng PCP 2 na si Lt. Amador Razo, at ang duty jailer na si Pat. Christian Lagac, habang isinasagawa pa ang imbestigasyon sa insidente.

Hanash ni Roque: 'May karapatan akong tawaging bangag si Marcos Jr!'

Binanggit ng may hawak ng kaso na si S/Sg Bienvenido Pangilinan, ng Antipolo City Police, nakatakas ang mga bilanggo dakong 3:30 ng madaling araw.

Gayunman, inireport pa ang insidente matapos ang halos walong oras.

Sinabi ng pulisya, nilagari ng mga inmate ang rehas na bakal ng lumang selda kung saan sila nakapiit.

Sa panig naman ni duty officer/jailer na si Lagac, ang mga nakatakas na bilanggo ay dating nakakulong sa bagong detention cell, at inilipat lamang ang mga ito sa lumang selda ng jailer at desk officers na sina Pat. Al-Rashid Jalali at Pat. Christian Devera, kung saan naganap ang pagpuga.

Naglunsad na ng manhunt operation ang mga awtoridad para maaresto ang iba pang pugante, maliban lamang kay Magalo na na agad na naaresto ng mga awtoridad.

-Mary Ann Santiago